GENERAL POPULATION ‘DI PA HANDA SA BOOSTER SHOT

HINDI pa handa ang general population ng bansa sa pagbabakuna ng booster shot.

Inihayag ng Department of Health (DOH) na ang kanilang desisyon sa pagbibigay ng booster dose sa mga healthcare worker ay may nakaamba pa ring panganib.

Dagdag pa ng DOH, ang pag roll-out ng naturang booster shot ay ipamamahagi sa bawat priority list group.

Sinabi pa ng DOH na kailangang maibigay ang nasabing booster dose sa mga indibidwal na karapat dapat tulad ng senior citizens at mga may comorbidities.

Samantala, sinabi ng National Vaccination Operation Center (NVOC) na ang mga Pilipinong nabakunahan ng Pfizer, Moderna, Sinovac, Sputnik V at Astrazeneca bilang primary series ay kailangan maghintay ng anim na buwan bago magpaturok ng booster shot.

Habang ang mga naturukan ng Janssen COVID-19 vaccine naman ay kailangan maghintay ng tatlong buwan bago magpabakuna ng ikatlong dose.

Samantala, inihahanda na ng mga eksperto ang guidelines para sa pagbibigay ng booster shots sa mga senior citizen at mga indibidwal na may comorbidity.

Sinabi ni Dr. Edsel Salvana, ang guidelines para sa pagtuturok ng booster shots sa senior citizens ay posibleng magkaiba dahil ikinokonsidera nila ang immunocompromised individuals.

Inoobserbahan din aniya nila kung ilan ang mga magkakaroon ng reaksiyon at mga karagdagang safety issues na kailangang ikonsidera sa pagbibigay ng booster shot.