NALUSUTAN ng Batangas-Emilio Aguinaldo College (EAC) ang paghahabol ng AMA Online Education upang maitakas ang 97-95 panalo sa 2018 PBA D-League Foundation Cup kanina sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang dikit na panalo ay pumutol sa two-game slide ng Batangas at nag-angat sa kanilang rekord sa 2-3.
Nagbida si Clark Bautista sa kanyang ikalawang laro pa lamang sa Generals, kung saan naisalpak niya ang lima sa kanyang siyam na attempts sa 3-point area upang magtapos na may 25 points, 3 rebounds at 5 assists.
Naitala ni Clark Derige ang 15 sa kanyang 20 points sa first half, habang nag-ambag si Cedric de Joya ng 16 points, 3 rebounds at 3 assists.
Hindi naging madali ang panalo para sa Generals kung saan nasayang nila ang 25-point lead, 58-33, sa matikas na pakikihamok ng AMA.
Nakalapit ang Titans sa isang puntos, 96-95, may 3.5 segundo na lamang ang nalalabi, sa tres ni Andre Paras.
“Pinakaba pa nga, eh,” sabi ni Batangas-EAC coach Oliver Bunyi.
Nanguna si Jason Jordan para sa AMA na may 20 points at 8 rebounds. Apat na iba pang players ang umiskor ng double-digits, subalit nalimitahan si Paras sa limang puntos at anim na rebounds sa 18 minutong paglalaro.
Nanatiling walang panalo ang Titans na may 0-5 kartada.
Iskor:
BATANGAS-EAC (97) — Bautista 25, Derige 20, De Joya 16, Mendoza 11, Arim 7, Manalo 7, Dela Peña 5, Tabi 4, Mohammed 2, Harris 0, Saldana 0.
AMA ONLINE EDUCATION (95) — Jordan 20, Matillano 17, Palencia 17, Soriano 15, Graham 10, Liwag 8, Paras 5, Garcia 3, Alao 0, Nakpil 0, Serrano 0.
QS: 30-20, 61-38, 79-63, 97-95.
Comments are closed.