Geneva Lopez Mutya ng Pilipinas sa after life

Hindi na makokoronahan si Geneva Lopez bilang mutya ng Pilipinas ngayong nakumpirmang pinatay siya at ang kanyang Israeli boyfriend na si Yitchak Cohen.

Sa pahayag ni Police Major General Leo Francisco, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Pampanga, pito ang kanilang “persons of interest” sa pagkawala ng magkasintahan, kung saan kabilang ang isang dating pulis na middleman nina Geneva sa bibilhing lupa.

Ani Francisco, hindi pa nila nakakausap ang lahat ng POIs sa kaso ngunit may mga nakatalaga na sa bawat isa sa pagmamanman at pag-iimbestiga.

Nakikipag-ugnayan na rin umano sila sa mga awtoridad ng Angeles City, Pampanga, kung saan dating nakalataga ang dating pulis na naging middleman ng magkasintahan sa bibilhing lupa. Nakasama rin umano ito Nina Lopez at Cohen nang tingnan nila ang bibilhin sanang lupa sa Capas, Tarlac.

Pahayag pa ni Francisco, handang makipagtulungan ang katransaksyon ng magkasintahang pinatay, sa ikalulutas ng kaso.

Ayon sa nasabing katransaksyon, nakausap niya ang magkasintahan ngunit naghiwalay sila matapos ang site visitsa lupang bibilhin. Nabalitaan na lamang umano niyang natagpuan ang sasakyan ng dalawa ngunit Wala sila sa loob.

Binalewala umano niya ito noong una dahil maayos na ang kanilang usapan, at inakala niyang may pinuntahan lamang ang magkasintahan.

Hindi pa alam kung ano ang sanhi ng kamatayan Nina Lopez at Cohen kaya magsasagawa ng autopsy ang mga awtoridad.

Hindi pa rin malinaw kung ano ang motibo sa pagpatay sa dalawa.

Nahukay ang mga katawan nga nina Pampanga beauty queen Geneva Lopez at ang kanyang Israeli boyfriend na si Yitchak Cohen, ng mga awtoridad sa isang quarry site sa Sta. Lucia sa Capas, Tarlac noong July 6 ng umaga.

Nakumpirma iyon batay sa mga suot nilang damit at iba pang mga gamit, batay sa pahayag ni Pampanga Governor Delta Pineda sa kanyang Facebook account.

Ayon sa post ni Governor Delta, published as is: “Malungkot ko po na ibinabalita sa inyo na natagpuan na ang mga bangkay ng kabalen natin na si Geneva Lopez at ang kanyang kasintahan na si Yitshak Cohen sa isang lugar sa Sta. Lucia sa Capas, Tarlac pagkatapos silang mawala ng dalawang Linggo.

“Kinumpirma po ito ng pulis base sa kasuotan at gamit ng mga biktima.

“Ipagdasal po natin ang kanilang kaluluwa. Nakikiramay po ako sa mga pamilya.

“Patuloy po akong tutulong sa paghahanap ng hustisya para kay Geneva at Yitshak.”

Matatandaang nag-alok si Governor Delta at si Vice Governor Lilia Pineda ng isang milyong pisong pabuya sa lehitimong makapagbibigay ng impormasyon sa nawawalang magkasintahan.

Dalawang linggo nang nawawala ang magkasintahan at walang malinaw na dahilan upang mawala sila matapos mag-site visit sa Tarlac noong June 21, kung saan huli silang nakita.

Natukoy ang pinagbaunan sa dalawang bangkay sa tulong ng isang saksi.

Mga miyembro naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang naghukay sa dalawang bangkay.

Si Geneva, isang Mutya ng Pilipinas Pampanga contestant, at si Cohen, ang kanyang Israeli boyfriend, ay sakay ng isang SUV nang nagtungo sa Tarlac, mula sa kanilang tirahan sa Angeles City, Pampanga.

Unang natagpuang sunog at abandonadong SUV sa Barangay Cristo Rey sa Capas noong June 22.