GENSAN AIRPORT, SEAPORT BANTAY-SARADO VS. ASF

GENSAN AIRPORT

MAHIGPIT ang monitoring ng mga veterinary quarantine personnel sa Region 12 (Soccsksaragen) sa mga cargo at bagahe na pumapasok sa city airport at sa Makar port sa siyudad na ito matapos ang “mysterious disease” na tumama sa swine farms sa Rizal province.

Sa pahayag ni Dr. Castor Leo Ejercito, Bureau of Animal Industry – Veterinary Quarantine Service (BAI-VQS) 12 director, kamakailan na nakipag-ugnayan na sila sa  concerned agencies na i-monitor ang shipments na nanggagaling sa Luzon na mula sa bansang apektado ng nakahahawang African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Ejercito kamakailan na sinunog nila ang 261 kilograms ng imported processed meat products na dumating sa siyudad sa pamamagitan ng commercial flight mula sa Maynila.

Ang mga produktong nakumpiska sa city airport, dala ng isang restaurant owner, ay mayroong processed pork, pork meat cuts, at Peking duck meat.

Kinumpiska ng mga airport personnel ang mga cargo dala ng kawalan ng tamang dokumento, kasama ang required import permit.

Apat na container vans na dumating din mula sa Taiwan ka­makailan ang mino-monitor sa Makar port.

“These are consi­dered as suspicious cargo and could possibly include meat products,” ani Ejercito.

Isang assessor sa Bureau of Customs sa siyudad na ito ang nagpahayag kamakailan na ang container vans ay naka-consign sa isang local company.

Base sa kasamang dokumento, ang mga cargo ay idineklara na “bullet tuna” mula sa Taiwan.

Ayon sa source na ang VQS-12 ay humi­ling nang tamang pagsusuri sa laman ng container vans’ kasama ang mga tauhan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Inamin naman ni Ejercito ang pangangaila­ngan na mapanatili ang kasalukuyang “preventive measures to protect our swine industry.”          PNA

Comments are closed.