Special Report ni EUNICE CALMA-CELARIO
MALAYSIA – ANG Genting Highlands ay matatagpuan sa boundary ng Pahang at Selangor at nasa tuktok ito ng Mt. Ulu Kali na may taas na 1,800 meter.
Matatagpuan dito ang mga sikat at mamahaling hotel at world class casino, mga restaurant na nag-aalok ng masasarap na pagkain kasama ang isang Filipino cuisine, coffee shops, boutique gallery kung saan naroon ang mga signature brand.
Moderno na rin ang theme park kung saan may mga show na nakakamangha, na kung mami-miss ng mga turistang nagtungo roon ay tiyak na pag-iisipan.
MASIGLANG KALAKALAN
Sa pagpasok pa lamang sa Awana Sentral ay makikita na ang masiglang komersiyo dahil naroon ang mga kalakal ng Malaysia at ng Tsina.
Doon din magsisimula ng estasyon ng cable car patungo sa Genting Grand Complex kung saan matatagpuan ang casino resort.
INISYATIBO NG CHINESE-MALAYSIAN BUSINESSMAN LIM GOH TONG
Gayunman, ang na-sabing hill top theme park ay hindi pag-aari ng Malaysian government.
Ito ay pag-aari ng isang Malaysian-Chinese na si Lim Goh Tong na naging pinakamayaman sa Malaysia taglay ang US$4.2 billion.
Isinilang si Lim noong Pebrero 28, 1918 at namatay sa edad na 89 noong Oktubre 23, 2007.
Ang kaniyang katiyagaan at paniniwala ang nagpaunlad sa nakatiwangwang na bundok sa Malaysia na ngayon ay dinarayo ng mga foreign tourist.
Sino si Lim Goh Tong, Lín Wútóng; Pe̍h-ōe-jī: Lîm Ngô͘-tông; ay nagsimula bilang tindero ng scrap metal at mga second hand equipment ng mga construction.
Nakita niya ang nakatiwangwang na bundok kaya naman naisip niyng gawin itong casino resort at shopping complex.
Walang naniwala sa kanya at inakalang baliw dahil wala raw pera ang mga tao noon at wala ring magtitiyaga na umakyat sa bundok para magsugal.
Gamit ang mga second hand na equipment, tinyaga ni Lim na gumawa ng kalsada at nanghingi ng pera sa kaibigan para maisakatuparan ang misy-on.
Kaya naman, natupad ang pangarap niya na ngayon ay ipinagpatuloy ng kanyang pamilya.
Ang dating pinagtatawanan noon ay pinakamayaman ang pamilya at ang nakatiwangwang na bundok ay dinarayo pa.
Bukod sa Malaysia may sangay rin ang Genting sa Indonesia.
Sa Chin Swee Caves Temple na maaari lamang puntahan sa pamamagitan ng cable car ay makikita ang estatwa ni Lim na simbolo ng positibong pananaw at pag-unlad.