NANAWAGAN si Senior Citizens Party List Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa Senado na paspasan ang pagpasa ng panukalang batas na magbibigay daan sa pagtatatag ng geriatric health care centers sa iba-ibang rehiyon para sa kapakanan ng mga matatandang pasyente ng bansa na nangangailangan nito.
Inihain ni Ordanes ang House Bill 10174, o “The Geriatric Health Act” dalawang taon na ang nakararaan.Bagamat ito ay naaprubahan na ng Kamara noong Mayo 21 at na-transmit na sa Senado noong May 22, ito ay nananatiling nakabinbin sa Upper House.
Nagpahayag ng pagkabahala si Ordanes na hindi ito maipasa sa kasalukuyang Kongreso dahil hindi pa man lang aniya ito umuusad sa Senate Committee on Health and Demography na pinangungunuan ng Chairman nitong si Senador Bong Go hanggang sa ngayon.
Sa ilalim ng panukala, magtatatag ng ospital para sa mga “elderly” na tatawaging National Center for Geriatric Health and Research Institute. Ito naman aniya ang magiging basehan ng Department of Health (DOH) upang magtatag ng mga kahalintulad na ospital sa iba’t ibang rehiyon.
Ang mga panukalang geriatric specialty centers ay magsisilbing geriatric health care providers, training at research facilities. Mula nang inihain ni Ordanes ang HB 10174 noong July 18, 2022, binigyang diin nito ang pangangailangan ng agarang pagtatatag ng geriatric health centers na ekslusibong tututok sa health care needs ng senior citizens, lalo pa anya at may pag- aaral na nagpapakita na ang populasyon ng bansa ay “aging” o karamihan ay tumatanda na.
Bagamat ang pangunahing layunin ng health care ay magbigay serbisyo upang pahabain ang buhay ng bawat Pilipino, subalit hindi aniya maisasantabi na madaling kapitan ang karamihan ng iba ibang uri ng karamdaman katulad ng nakakahawa (communicable), o hindi nakakahawang (non-communicable) sakit, o degenerative diseases o karamdamang nagdudulot ng deteryorasyon ng kalusugan.
Ang ilan sa karaniwang sakit ng pagtanda ay hypertension, diabetes, degenerative osteoporosis, cardiovascular disease at pneumonia. Bukod sa mga naturang geriatric syndromes o degenerative diseases ay nagkakaroon na rin umano ang mga nagkakaedad na ng dementia, Alzheimer’s disease, hearing impairment, malnutrition, depression at chronic pain syndrome.
Bilang author ng naturang panukala, isiniwalat ni Ordanes sa HB 10174 na malaki na ang bilang ng mga senior citizen na nakararanas ng mga ganitong uri ng karamdaman.
Hindi na aniya sapat ang kakayanan ng mga kasalukuyang pampublikong ospital na tugunan ang pangangailangan ng mga “elderly” para sa kinakailangan nilang geriatric health care services.
Ang geriatric specialty centers lamang ang naiisip ni Ordanes na solusyon sa pagkukulang na ito ng kasalukuyang health care system ng bansa sa mga tumatandang pasyente.
“Hospitals specialized in geriatric health care will also solve the problem of lack of geriatricians as they can serve as training grounds for doctors who wish to specialize in geriatric health, Ordanes also said. This bill seeks to make the country’s commitment to Universal Health Care more genuinely felt by the elderly population and give our almost 10 million senior citizens the quality health care they rightfully deserve,” ang nakasaad sa naturang panukala. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia