ARESTADO dahil sa kasong rape ang isang German vlogger na nauna nang idineklara ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na ‘persona non grata’ dahil sa pagpost nitong video sa Facebook at Youtube ng kanyang pagpick-up sa isang batang babae sa Alabang na di-umano’y binigyan pa niya ng halagang P1,000 bilang tulong sa bata.
Base sa report ni Muntinlupa police chief Col. Angel Garcillano, inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Muntinlupa police Alabang Substation at Station Intelligence Section (SIS) ang suspek na kinilalang si Marcel Messall o mas kilala bilang “Mr. Pogi German” sa kanyang social media accounts, 29-anyos, residente ng Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Ang pagkakaaresto ng mga awtoridad kay Mesall ay naganap nitong Enero 10 (Martes) dahil ang biktimang kanyang pinick-up ay isang menor de edad na 17-anyos pa lamang at hindi 18-anyos na kanyang sinasabi sa kanyang inilabas na video.
Sa imbestigasyon ay napag-alaman sa biktima na nakipag-chat ito kay Massell sa Messenger app at nagkasundo na magkita sa harap ng isang mall sa Alabang kung saan ay niyaya ng suspek ang biktima na sumama sa motel.
Napilit ni Messall na sumama ito sa kanya at pagdating sa loob ng kuwarto ay pinipilit naman na makipagtalik na tinanggihan ng biktima ngunit wala siyang lakas na labanan ito kung kaya’t nahubaran ang menor de edad at nagkaroon sila ng pagtatalik.
Nang makauwi ng bahay ang biktima ay inilahad nito sa kanyang ina ang kanyang masaklap na karanasan kay Massell at hindi na nagdalawang isip pa ang magulang ng bat ana magtungo sa Women and Children’s Protection Unity (WCPU) ng Muntinlupa police para magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Nahaharap si Messall ng paglabag sa Republic Act 8353 (The Anti-Rape Law of 1997) na may kaugnayan sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act). MARIVIC FERNANDEZ