GET IN THE ZONE MANILA!

SB19-B

SB19 First Nationwide Concert

(ni AIMEE GRACE ANOC)

“LAHAT ay posible basta’t maniwala ka.” -SB19

Ang akala nila noong pangarap na imposibleng matupad, ngayon ay nabibigyang katuparan na. Isang napakalaking taon ang 2019 kina Josh, Sejun, Stell, Ken at Justin dahil ito ang naging simula nang pagdating ng sunod-sunod na malalaking oportunidad sa pagsasakatuparan ng kanilang mga pan-garap.

Hindi akalain ng SB19 na ito ang taon kung kailan makikilala ang kanilang talento hindi lamang sa Filipinas kundi maging sa iba’t iba pang mga bansa. Sa loob lamang ng mahigit apat na buwan, kabi-kabila na ang kanilang naging guestings mapa-tv man o radio, pag-trending sa social media, at napapasama sa local at international charts. Kaya bilang pasasalamat sa pagmamahal at suportang kanilang natatanggap, nagsagawa ang SB19 ng kanilang kauna-unahang nationwide tour–ang Get in the Zone!

Nang dahil sa taos-pusong pagmamahal sa kanilang mga tagahanga–ang A’TIN, at sa kabutihan ng mga bumubuo rito–ang ShowBT Philippines, kahit na alam nilang hindi magi­ging madali ang paghahandang kanilang kahaharapin sa 10 concert na gagawin sa iba’t ibang parte ng bansa–Negros, Metro Manila, Cagayan De Oro, Bicol, Cebu, Iloilo, Zamboanga City, Pampanga, Baguio, at Davao, ay ginawa pa rin nilang libre ang kanilang concert tickets.

Kitang-kita ang excitement sa mga tagahanga ng SB19 para sa Get in the Zone! Manila concert dahil registration pa lamang para sa concert ticket nila noong Disyembre 14, 2019, na-sold out kaagad sa loob lamang ng tatlong minuto ang 7,000 tickets—kahanga-hanga.

At bago matapos ang taong 2019, nag-iwan ng isang nag-aalab na performances ang SB19 noong Disyembre 28, 2019 sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Mistulang pila sa mga nakikita nating sikat na Kpop concerts sa bansa ang Manila concert ng Ppop idol boy group SB19. Ilang oras bago ang concert, makikita na ang mahabang pila ng mga A’TIN hawak ang kanilang mga banner, reagalo, at light sticks. Kabi-kabila rin ang nagbibigay ng photo-cards at poster. Gayundin, makikita ang pagmamalasakit ng bawat isa para sa kanilang kapwa tagahanga sa pamamagitan ng pagbibigay ng makakain at inumin.

Sa pag-uumpisa ng concert, nagsimula na rin ang pinakahinihintay ng lahat. Nabalot ng mga sumasayaw na asul na mga ilaw ang buong astrodome na siyang pinapangarap ng mga A’TIN—ang mapasama sa blue ocean kung saan maririnig ang malakas na hiyawan at sabay-sabay na fanchants.

Kinanta ng SB19 ang kanilang mga popular na kanta tulad ng “Go Up”—kung saan sila nakilala at sumikat, Tilaluha—ang kauna-unahan nilang single, at ma­ging ang pinakabago nila ngayon—ang “Alab” kung saan ipinakita ng mga ito ang nag-aalab nilang dance steps. Gayundin, itinanghal nila ang kanilang mga kantang ila­labas pa lamang–ang  “Love Goes” at “’Wag Mong Ikunot Ang Iyong Noo” na makikitang pine-perform na rin nila sa kanilang mall shows at school attacks.

Nagkaroon din ng solo performances ang SB19, una na rito ang “Paano Na Kaya” ni Justin De Dios na siyang audition song niya noon sa SB Talent Camp; ang acoustic rendition ni Felip Jhon “Ken” Suson ng kantang “Best Part” ni Daniel Caesar; ang panghaharana ni Stellvester “Stell” Ajero sa isang masuwerteng A’TIN ng “Somewhere Over the Rainbow” na siyang ikinaselos naman ng kanyang mga tagahangang naroroon; ang “The Greatest Showman’s soundtrack” ni Josh na pinamangha ang lahat sa kanyang dance moves; at ang pinakahuli ay ang orihinal na rap song ni John Paulo “Sejun” Nase kung saan madarama ang lubos na pagmamahal nito sa musika.

Sini­mulan ng SB Ta­lent Camp ang concert sa mga kanta ng TWICE at ITZY. Nagpakitang gilas din si “BIG MAN” na lumipad mula pa South Korea upang ipamalas ang kanyang beatboxing skills. Ipinakita naman ni Adelaide “Hongganda” Hong, ang nagsilbing tagapagturo ng SB19, ang kanyang pasasalamat sa A’TIN sa pagkanta ng “Salamat” ni Yeng Constantino at “Stay” ng BLACKPINK.

Ipinamalas din ng SB19 ang kanilang acting skills sa pamamagitan ng pagsasadula ng kanilang naging pagsisimula at training sa SB Talent Camp. Dito na naging emosyunal ang lahat kung saan nagpasalamat si Hongganda sa suportang kanilang natatanggap dahil hindi nila akalain na ngayon ay nagtatanghal na sila sa harap ng libo-libo nilang fans na noon ay nasa 200 lamang. Nagpasalamat din si Jung Sung Han o mas kilala sa tawag na “Tatang Robin”, CEO ng Korean entertainment company–ShowBT, sa lahat ng dumalo sa concert at maging sa kanyang ina at asawa na lumipad pa mula South Korea para mapanood ang kauna-unahang concert na ito.

Hindi na napigilan pang maiyak ni Tatang Robin matapos na mapanood ang isang maik­ling video na inihanda sa kanya ng SB19 bilang pasasalamat sa lahat ng kanyang ginawa. Labis ang pasasalamat ng bawat isa sa A’TIN na naging lakas nila at ins­pirasyon para magpatuloy at pag-igihan pa ang kanilang mga ginagawa. Gayundin, sinuklian ng A’TIN nang isang malakas na hiyawan ang bumubuo sa SB19 bilang pasasalamat sa mga ito.

Tumagal ng halos tatlong oras ang concert na puno ng pasasalamat, pagmamahal at pa­ngarap para sa isa’t isa. At ngayong 2020, patuloy nating abangan ang mga nag-aalab na sorpresa na inihanda para sa “ATIN” ng SB19. Magpapatuloy ngayong 2020 ang natitirang walong libreng concert ng SB19 sa bansa.

Comments are closed.