GF TINAKOT SA X VIDEOS, KELOT TIMBOG

ARESTADO ang isang lalaki ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) makaraang takutin umano ang kasintahang babae na ipapakalat ang kanilang malaswang video kung hindi magbibigay ng P100,000.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004) at Robbery (Extortion) ang lalaking suspek na hindi muna pinangalanan.

Ayon sa NBI – Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD), nag-ugat ang pag-aresto sa suspek dahil sa reklamo ng biktima na nagkaroon sila ng relasyon sa suspek gayunman sinisiraan umano siya nito sa pamamagitan ng mga text messages.

Nanghingi rin ng suspek ng halagang P100,000 kapalit ng hindi nito pagpapakalat ng kanilang sex videos, sex scandal at mga hubad na litrato.

Tinakot din siya na gagahasain nito ang kanyang 15-anyos na anak habang siya at mga kaibigan nito ang magbi-video.

Nagbigay din ng testimonya ang pinsan ng suspek na nasaksihan nito ang pananakot na ginagawa ng suspek at kinumpirma nito ang hinihinging P100,000 sa biktima. Nakita rin nito ang ilang money transaction na umabot sa P50,000

Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng NBI-AOTCD ang entrapment operation sa pinagtratrabahuan ng biktima sa Quezon City kung saan kukunin ng suspek ang pinag-usapan na halagang P100,000.

Pagkatanggap ng suspek ng marked money ay agad siyang inaresto at dito narekober ang cellphone nito at nakita ang hubad na larawan at mga videos ng biktima.
PAUL ROLDAN