TAHASANG sinalungat ng iba’t ibang grupo ng mga mangingisda kabilang ang militanteng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang planong pag angkat ng tone-toneladang galunggong.
Ayon sa grupo, lubhang makaaapekto ito sa hanapbuhay ng lokal na mangingisda, Bukod dito, ang posibleng peligrong idudulot nito sa kalusugan ng sambayanang Filipino dahil sa formalin laced o binabad ang mga isada sa kemikal bago ilagay sa freezer at iluwas sa Filipinas.
Higit umanong masakit nito ay maaaring sa Filipinas din o sa West Philippine Sea nahuli ang mga isdang aangkatin mula sa China at Vietnam.
Hinala pa ng mga mangingisda na sadyang pinalobo ang presyo ng galunggong upang mabigyang katwiran ang talamak na pagpasok ng mga imported na isda mula sa China na matagal nang umiiral sa bansa.
Pagtitiyak naman ng BFAR, dadaan muna sa masusing inspeksyon ang isda bago ibenta sa merkado.
Una rito ay inanunsiyo na mag-aangkat ang Filipinas ng galunggong mula sa nasabing mga bansa para pahupain ang pagsipa ng presyo nito sa pamilihan.
Pumalo na hanggang sa P300 kada kilo ang presyo ng tinatawag na ‘poor man’s fish’ na ngayon ay pinalitan na ng tilapia.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang mataas na presyo ay dahil sa limitadong suplay bunsod ng fishing ban sa ilang bahagi ng bansa, paglamig ng klima at epekto ng bagyong Tisoy.
Aminado si BFAR Director Eduardo Gongona na posibleng nagkakaroon din ngayon ng manipulasyon sa presyo ng galunggong.
Upang mapunan ang kakulangan, sinabi ni Gongona na kailangang mag-angkat ang bansa ng 45,000 metriko toneladang galunggong. VERLIN RUIZ
Comments are closed.