MAINIT ngayon ang isyu ng ghost employees sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Sino-sino kaya ang mga sangkot dito?
Ang ghost employees ay yaong mga nasa payroll, subalit hindi naman talaga nagtatrabaho para sa institusyon.
Narito ang umano’y mahahalagang detalye ukol sa iskandalong kinakaharap ngayon ng central bank.
- Pagsisiyasat: Noong Abril ay nagsimula ang pagsisiyasat ng BSP authorities matapos ang ulat mula sa isang “whistleblower” na may dalawa umanong miyembro ng Monetary Board (ang policy making body ng BSP) na may ghost employees. Ang mga ghost emplyee ay hindi aktuwal na nagtatrabaho para sa BSP.
- Panganib sa BSP: Ang kontrobersiyang ito ay nagdudulot ng panganib sa reputasyon ng BSP. Ito ay isang prestihiyosong institusyon na may mahalagang papel sa pagpapatakbo ng ekonomiya. Sa panahon na mataas ang inflation at mahina ang piso, ang pagpapasya ng BSP ay kritikal. Kung mawawala ang dalawang miyembro ng Monetary Board, maaaring maapektuhan ang proseso ng paggawa ng desisyon.
- Pag-aalis ng ghost employees: Inaasahang tatanggalin ang mga ghost employee mula sa payroll ng BSP at hihilingan silang ibalik ang mga sahod na kanilang natanggap sa loob ng ilang taon. Subalit ang kapalaran ng dalawang board members ay nakasalalay sa kamay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ayon sa New Central Bank Act, maaaring tanggalin ng Presidente ang sinumang miyembro ng Monetary Board dahil sa iba’t ibang dahilan, kasama na ang pandaraya o mga aksiyon na nakasasama sa interes ng BSP.
- Mahalagang organisasyon: Ang BSP ay may mahalagang papel sa pagpapalakas ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang isyu ng “ghost employees” ay nagbibigay-daan para suriin ang integridad ng BSP at ang proseso ng paggawa ng desisyon ng Monetary Board.
Sa pangkalahatan, ang “ghost staff scandal” sa BSP ay isang mahalagang isyu na dapat masusing imbestigahan at malutas upang mapanatili ang kredibilidad at epektibong pagpapatakbo ng ating pambansang bangko.
Ayon sa source, ang dalawang miyembro ng Monetary Board na sangkot sa iskandalo ay itinalaga umano ng dating administrasyon.
Ang tanong: Anong hakbang kaya ang gagawin ni PBBM laban sa dalawamg sangkot na miyembro ng Monetary Board? Siguradong hindi ito palalagpasin ng Pangulo.