Magandang taon ang Year of the Dragon ngayong 2024, swerte raw. Ngunit pwedeng magbago ito kung hindi ka mag-iingat ngayong buwan ng Agosto, na tinatawag ding the Hungry Ghost Month sa Chinese calendar.
Kung tutuusin, ang observance ng Ghost Month ay isang Chinese cultural practice, pero hindi maiiwasang kasama na rin ang mga Filipino, dahil ang mga Chinoy ay malaking bahagi na ng Filipino existence.
Ako mismo ay may lahing Chinese, dahil ang aking great, great grandmother to the father side ay pure Chinese na nagmula pa sa New Territory.
Hindi ako masyadong naniniwala sa mga Chinese superstitions, ngunit wala namang masamang sumunod.
Para raw hindi malasin sa Ghost Month, laging maglalagay ng isang baso ng salt water sa tabi ng kama kapag matutulog sa gabi. Pantaboy raw ito ng mga unfriendly spirits na pwedeng mamasyal sa kwarto mo lalo na kung gabi.
Dapat rin daw laging masaya sa loob ng bahay. May kantahan, may tawanan, may masayang usapan.
Buksan ang mga ilaw para laging maliwanag ang bahay kahit gabi, lalo na ang mga suluk-sulok. Palitan ang mga kurtina at bedsheets ng pula at orange colors.
Ipinagdiriwang ang Ghost Month dahil sa kanyang cultural significance sa maraming bansa sa Asia tulad ng Vietnam, China, Taiwan, Singapore, Malaysia, Hong Kong, at Japan.
Sa panahon nito, binibigyang halaga ng mga buhay ang kanilang ancestors, nagsasagawa ng mga ritwal, at nagdarasal para sa katahimikan ng mga kaluluwang ligaw na pinaniniwalaang gumagala sa mundo ng mga buhay.
Ayon sa mga eksperto sa Feng Shui, malas daw ang Ghost Month.
Nagbibigay ito ng mga unfortunate circumstances at negative luck sa pakikipagrelasyon at pagnenegosyo.
Kaya nga, ang pagdiriwang ng Hungry Ghost Festival ay isang buong buwan, sa panahon ng ika-7 buwan/Ghost month matapos ang Chinese New Year na ngayong taon ay pumatak ng 4 August 2024 hanggang 2 September 2024.
Traditionally, naniniwala ang mga Chinese na puno ng kamalasan ang 7th lunar month kaya takot sila sa buwang ito. Kadalasang nga ay buwan ito ng Agosto. Sari-saring offerings ang ginagawa nila sa panahon ng Hungry Ghost Festival, lalo na sa tatlong main days: ang unang araw (August 4), ika-15 araw (August 18) at ang huling araw (September 2).
Ngayong 2024, ang Ghost Month ay mula 4 August hanggang 2 September.
Ipinagdiriwang ito ng mga Buddhists at Taoists. Tayong mga Katoliko at Christians, nakikisawsaw lang.
Pinaniniwalaan nilang sa panahon ng Ghost Month, naiwang bukas ang gate ng underworld — kaparis nung madalas mangyari sa akin na nalilimutan ko ring bukas ang pinto ng aking condo unit kapag nagmamadali ako. Luckily, hindi ako nananakawan dahil mahigpit ang aming security guard.
Kaya sa Ghost Month, dapat, may sekyu rin para hindi pumasok ang mga unfriendly ghosts.
Ang mga offerings tulad ng joss paper, bigas, mani, hilaw na noodles, mga prutas na may balat, buong karne, tea, at rice wine ang karaniwang pang-alay sa mga ligaw na kaluluwa. Para kumpleto ang ritwal, kailangang magsunog ng joss paper at insenso, at ang iba ay pwedeng magpalipad ng paper lanterns sa ilog bilang symbolic gesture — sa panahon o sa pagtatapos ng Ghost Month.
Mahalagang linisin ang kasuluk-sulukan ng bahay sa panahon ng Ghost Month dahil nakatutulong itong alisin ang mga negative energies, mga unwanted spirits, at stagnant chi sa bahay mo.
Para hindi makagawa ng aksidente ang mga multo, iniiwasan ang pagpapagupit ng buhok sa buong panahon ng Ghost Month, lalo na kung gabi.
Hindi rin ipinapayo ang paglilipat-bahay, pero okay lang daw na bumili ng bahay.
Limitahan ang pagta-travel. May mga mapaglarong kaluluwang maaaring gumawa ng masama.
Iwasang magsoot ng mga damit na red o black. Pinaniniwalaang kaakit-akit ang mga kulay na ito sa mga galang kaluluwa.
Kapag isinoot sila sa panahon ng Hungry Ghost Festival, lumalabas na isa itong open invitation sa mga kaluluwa para sumunod sa taong nakasoot nito, sa kanyang bahay.
On the bright side, magandang excuse ito para mag-shopping at magdagdag ng extra color sa iyong wardrobe.
Kaoag Ghost Month, may mga certain taboos sa negosyong dapat malaman upang ma-maintain ang swerte at maiwasan ang negative impacts sa operasyon.
Sinasabing hindi magandang magbukas ng negosyo sa panahon ng Ghost Month, o magsimula ng bagong major project.
Iwasan din daw ang swimming lalo na sa gabi o nag-aagaw ang dilim at liwanag dahil maraming mischievous spirits ang nanglulunod ng tao sa pamamagitan ng paghila sa kanilang mga paa patungo sa kailaliman ng tubig. Ngunit sabi naman ng iba, basta marami kayong magkakasama at mababantayan ninyo ang isa’t isa, okay lang.
Pero ang bawal na bawal talaga at ang magpakasal sa panahon ng Ghost Month. Pwede kasing magamit ng mga multo ang bagong kasal bilang kanilang tahanan at pagtatayuan upang makaiwas sa pagbalik sa sarili nilang mundo.
Maaaring isipin ng mga ligaw na kaluluwang ang mga bibigkasing pangako ng ikakasal ay curse o mura at malamang na ma-offended. Sila naman ang magmumura at manunumpa sa mga ikinasal, na ang kalalabasan ay hindi na happy ever after.
Una nating nasabi na ayon sa alamat, sa panahon ng ghost month, naiiwang bukas ang gates of the afterlife, at nakakagala ang mga multo sa mundo.
Ang presensya nila ay pinaniniwalaang malaking sanhi ng mga aksidente at magpapataas ng posibilidad ng masasamang pangyayari. Pwedeng maniwala ka at pwede ring hindi — Ikaw ang magpapasiya.
JAYZL VILLAFANIA NEBRE