NAGSIMULA na ang yuletide season sa Maynila sa pamamagitan ng pagpapaiilaw ng higanteng Christmas tree sa Bonifacio Shrine katabi ng Manila City Hall at gayundin ng groundbreaking ng panibagong open air na pasyalan sa Escolta na inaasahang magiging isang “lovers’ lane.”
Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno kasama sina City Engineer Armand Andres, third district Councilors Tol Zarcal, Fa Fugoso, Terence Alibarbar, Apple Nieto, Joel Chua at Jong Isip ang groundbreaking ng bagong Plaza Yuchengco sa Muelle del Banco National at pinasalamatan ng mga ito ang Yuchengco Group of Companies sa pangunguna ng chairwoman ng kumpanya na si Helen Dee sa pagsagot sa lahat ng gastos.
Kamakalawa, pinangunahan din ni Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang pagpapailaw ng higanteng Christmas tree na tanda nang simula ng Kapaskuhan sa Maynila.
Ayon kay Andres, ang bagong pasyalan na may habang umaabot sa 300 metro at sumasakop apat na kalye ng Yuchengco, Soda, Pinpin at Burke mula Jones Bridge hanggang MacArthur Bridge.
Pinasalamatan si Dee sa tulong na ibinigay nito sa lungsod na bagaman hindi pa sinisimulan ang pagtatayo ng panibagong plaza ay magkakaroon na ito ng pinakamagagandang flowering native trees, main plaza na may marker, 24 double lamp posts, sementadong daanan na mayroon din concrete bike lanes, plant boxes, green spaces at mga upuan.
Sinabi ni Dee na plano nilang i-develop ang lugar bilang ‘lovers’ lane’ kung saan maaring magpalipas ng oras ang mga mag-asawa.
Nabatid din na ang lolo ni Dee na si Enrique ang contractor na gumawa ng lumang Post Office sa Lawton na ni-rehabilitate ang harap ng nasabing Post Office na naging mabaho,marumi at tapunan ng mga basura at ngayon ay isa na itong magandang parke na kinagigiliwan ng mga tao dahil sa mga ilaw, mga puno, upuan at magandang fountain.
Noong Lunes din, inanunsyo ni Moreno na ang Arroceros Forest ay ire-redeveloped para sa kaligayahan ng ng mga bata at senior citizens sa Maynila bilang panibagong open space na pasyalan.
Bahagi ito ng pangako ng pamahalaang lokal na lumikha ng mas maraming green spaces sa lungsod. Ang Arroceros ay kilala bilang ‘last lung’ ng Maynila. VERLIN RUIZ