SIMULA kahapon ay opisyal nang nanungkulan bilang Defense secretary si Gilbert Teodoro na nagbabalik sa Department of National Defense matapos ang may 13 taon .
Kasunod nang inalay na Arrival Honors para sa newly appointed Secretary of National Defense, pinasimulan ni Teodoro ang kanyang official function ng isang pulong balitaan sa DND Main Building .
Bukod sa Armed Forces of the Philippines Modernization Programs at Defense and Security issue ay kakaharapin ng bagong kalihim ang isyu sa umano’y kumakalat na banta ng mass resignation sa hanay ng mga sundalo bunsod ng isinusulong na pension plan para sa mga uniformed personnel at ang umiinit na tensyon sa West Philippine Sea.
Tiwala naman ang National Security Council (NSC) sa kakayahan at galing ni Teodoro na natutugunan nito lahat ang mga kakaharaping suliranin ng kagawaran.
Ayon kay National Security Adviser Sec. Eduardo Año, hindi matatawaran ang malawak na karanasan ni Teodoro at ang mga naiambag nito sa kampanya ng pamahalaan kontra terorismo gayundin ang pagtataguyod ng karapatan at soberanya ng Pilipinas sa harap ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod nito, kumpiyansa si Año na magiging maganda ang ugnayan ng NSC at DND sa pagharap sa mga hamon sa pambansang seguridad.
Si Teodoro ay dati nang nagsilbing kalihim ng DND mula 2007 hanggang 2009 sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Welcome din sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkakatalaga kay Teodoro para humawak sa defense portfolio. VERLIN RUIZ