MAY paglilinaw ang tatlong partido na PDP-Laban, Partylist Coalition at Nationalist People’s Coalition (NPC) hinggil sa napaulat na kanilang suportadong kongresista para sa speakership.
Kasunod nito ay ang pagtanggi na nakuha ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang kanilang suporta matapos lumabas ang kopya ng multi-party manifesto noong Miyerkoles.
Ang dokumento ay pirmado ng ilang mga lider at representante ng nasabing mga grupo.
Ilang minuto matapos ilabas ang manifesto, ang 54-member na Party-list Coalition ay mariing itinanggi ang pagsuporta kay Velasco bilang speaker.
“As far as the coalition is concerned, we have yet to come up with the decision on who we will endorse as House Speaker,” wika ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, Jr.
Naniniwala naman si Garbin na personal na desisyon ni 1-PACMAN partylist Rep. Michael Romero ang pagpirma sa multi-party manifesto.
Samantala, inamin naman ni Senate President “Tito” Sotto ng Nationalist People’s Coalition na nasorpresa siya kasama ang NPC sa lumabas na manifesto at sinabing wala pa namang desisyon ang partido sa opisyal na pagpili para maging Speaker.
Inamin naman ni Albay Rep. Joey Salceda, na wala pang konsultasyon sa mga miyembro ng PDP-Laban bago ang nasabing endorsement kay Velasco at umalma sa banta ni PDP Laban President Koko Pimentel na paparusahan ang mga miyembro ng partido na hindi boboto kay Velasco.
Nauna rito, mga kongresista mula sa partidong PDP-Laban, sa pangunguna ni Rep. Ronny Zamora ng San Juan City, Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, ng Mandaluyong: Rep. Abraham Tolentino, 7th District, Cavite, at Rep. Dan Fernandez, 1st District, Laguna, ay nagsama-sama upang ihayag ang kanilang buong suporta sa pagka-Speaker ni Taguig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano kahit ito ay mula sa Nacionalista Party.
Ayon kay Zamora, pinaka-kuwalipikadong tumayo bilang Speaker si Cayetano kumpara sa ibang mambabatas na nagnanais na mamuno sa House.
Sinabi naman ni Gonzales na ang kailangan sa Kamara ay hindi lamang malapit sa Presidente kundi mayroon ding kakayanang mamuno, bukod pa sa magandang track record sa serbisyo publiko.
Dagdag naman ni Tolentino at Fernandez, naghayag na ng suporta ang karamihan ng PDP-Laban solon para kay Cayetano dahil nais nila na ang mamuno sa Kamara ay taong mapagkakatiwalaan. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.