WALANG employer ang exempted sa pagkakaloob sa kanilang mga empleyado ng 13th month pay, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na ang 13th month pay ay kailangang ibigay sa o bago ang December 24, 2022.
“’Bagaman alam naman natin na ‘yung mga kompanya, na alam naman natin na ang mga nasa kategorya na micro, small and medium enterprises (MSMEs) ay hirap pa rin dahil hindi pa sila lubusang nakakabangon, pero gusto ko lang sabihin na wala pong exemption sa pagbabayad ng 13th month pay,” ani Laguesma.
Puwede naman aniyang pag-usapan ng manggagawa at employer kung paano matutugunan ang 13th month pay kung hirap ang isang kompanya.
Dagdag pa ng kalihim, entitled din ang mga kasambahay sa 13th month pay. Ayon pa kay Laguesma, may programa ang Department of Trade and Industry (DTI) kung saan maaaring manghiram ang maliliit na negosyo sa Small Business Corporation (SBC) para mabigyan ang kanilang mga empleyado ng mandatory 13th month pay.
Noong 2021, base sa mga establisimiyentong ininspeksiyon ng DOLE, nasa 95% ang nagbigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.