(Giit ng mga mangingisda) PAG-ANGKAT NG ISDA ‘DI KAILANGAN

NAHIHIRAPAN na umano ang mga mangingisda sa kanilang hanapbuhay dahil sa mga restrictions ng pamahalaan at hindi dahil sa sunod-sunod na bagyo na wala namang epekto sa ngayon dahil gumanda na ang panahon, at kayang magsuplay ng mga lokal na mangingisda ng kailangan ng Pilipinas na hindi na kailangang mag-import pa mula sa ibang bansa, ayon sa isang grupo ng mga mangingisda.

Sa katunayan, ayon kay Fernando Hicap, chairperson ng PAMALAKAYA, ang inaangkat ng bansa tulad ng galing sa China ay galing din sa karagatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Actually ngayon dahil maganda na ang panahon, nakakabalik na ang mga mangingisda. Kaya ‘yung iba talagang tinamaan ng matindi, nalugi sa panahon ng sunod-sunod na bagyo, lalong-lalo na yaong wala nang mautangan at hindi pa talaga regularly nakakabalik sa pangingisda. Pero kung ang tanong mahirap bang mangisda, mahirap mangisda lalong-lalo na sa ngayon, na mayroong mga restrictions lalo na sa ating maliliit na mga mangingisda,” sabi pa ni Hicap.

Halimbawa, aniya, ay ang mga munisipyo o local government units (LGUs) na nagbabawal ng pangingisda sa kanilang mga lugar.

“Halimbawa dito sa Manila Bay. halos 80 percent na nga ang nawala ang huli dahil sa dredging ng reclamation. Pero sa bahagi ng Paranaque pagka pumasok ang mga taga-Navotas, ang mga taga- Cavite, hinuhuli nila, kasi hindi naman sila rehistrado. Kasi ‘yung mga rehistrado nila ay kung saan lang silang munisipyo,” sabi ni Hicap.

“Kaya ‘yun, mabigat ang kinakaharap ng mga mangingisda ngayon. Dati malaya wala kaming mahuli.Pero kung doon sa bagyo, wala nang epekto ngayon. Mas higit na kailangan niyan, katulad ng panawagan natin, sana tulungan ng gobyerno lalo na kung masama ang panahon. Sana makabalik sila,” sabi pa ni Hicap.

Aniya, kaya ng mga mangingisda na tugunan ang isdang pangangailangan ng bansa kung walang mga restrictions kaya walang batayan ang hakbang ng pamahalaan na umangkat ng isda.

”Kasi taon-taon din naman ipinatutupad ang closed fishing season. Puwede rin nating i-freezer ‘yung isda natin.

Within three months, doon sa tatlonmg buwan na hindi makapangisda, halimbawa sa Mindanao, e doon naman sa ibang areas ‘di naman nag-close fishing season. Ang close fishing season lang naman ‘yung mga bawal ‘yung mga commercial fishing vessel e. ‘Yung mga maliliit na mangingisda, hindi naman bawal. E ‘di dapat tulungan natin ‘yung mga mangingisda,” dagdag pa ni Hicap.

Aniya, kailangang gumawa ng paraan na matulungan ang mga lokal na mangingisda, doon sa mga lugar na maaaring manghuli ang mga ito dahil kaya naman nilang mag-produce ng sapat na suplay ng isda para sa bansa at hindi kailangan ang agarang importasyon.

“Itong ginagastos natin sa importation kung itinulong ito sa ating mga mangingisda para malayang makapangisda, e bakit kailangan pa nating mag-import?Ligtas pa ang sarili nating produksiyon dahil sa sariwang isda.”
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia