IGINIIT ni Senador Joel Villanueva na hindi Charter change (Chacha) ang kailangan ng mga tao.
Ito ay kasunod ng lumabas na survey na hindi sang-ayon ang nakararaming Pinoy sa pagbabago ng Saligang Batas.
Iginiit ni Villanueva, nagsalita na ang mga boss o ang mga Pilipino na hindi Cha-Cha ang kanilang kailangan sa inilabas na Pulse Asia survey kung saan 88 percent ng mga Pilipino ay hindi sang-ayon na amyendahan ang 1987 Constitution.
Ang resulta ng survey aniya ay malinaw na indikasyon na hindi kailangang madaliin ang mga pagdinig ng subcommittee on Constitutional Amendments at wala ring pangangailangan na madaliin ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sinabi pa ng majority leader na papunta na sa pagboto ng ‘No’ ang direksyon niya sa Cha-Cha, subali’t hindi pa niya masabi sa ngayon na nakapagdesisyon na siya at handa pa naman siyang matuto at aralin ang pag-amyenda sa
Saligang Batas habang nagpapatuloy pa ang mga pagdinig hinggil dito.
LIZA SORIANO