GIIT NG TRANSPORT GROUP: P12 PASAHE SA JEEP

JEEPNEY FARE

HUMILING ang Federation of Jeepney Operators and Drivers As­sociation of the Philippines (FE­JODAP) na gawing 12 pesos ang minimum na pasahe sa jeep kasu­nod ng mga pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Noong ika-4 ng Set­yembre muling nagdagdag ng P1.20 kada litro sa diesel at P0.95 kada litro ng gasoline.

Ayon sa presidente ng FEJODAP na si Zenaida Maranan, dahil sa pagtaas ng krudo ay mababawasan ng halos P200 ang kita ng mga jeepney driver.

Giit pa niya, hinihintay pa nila at dapat nang ibigay ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag pang piso sa pamasahe mula sa nauna nang provisional fare hike na P9 noong Hulyo. Sampung piso kasi ang orihinal na petisyon nila sa LTFRB.

Bagama’t dapat aniya na P12 na ang pamasahe, mas hinihintay nila sa kasalukuyan ang pagpapatupad ng P10 bilang minimum fare.

Sa datos, mula Enero ngayong taon ay P11 na ang naidagdag sa presyo ng diesel.

Comments are closed.