NANINDIGAN kahapon si Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon na hindi dapat bayaran nang buo ang supplier ng Secure Digital (SD) cards na ginamit nila sa midterm elections nitong Lunes, Mayo 13.
Ito’y kasunod na rin nang pagpalya ng may 1,665 SD cards na nagdulot ng pagkaantala ng halalan sa ilang lugar sa bansa.
Iginiit ni Guanzon na malaking perhuwisyo ang idinulot ng mga depektibong SD cards sa halalan at nagdulot ng galit ng mga botanteng kinailangang maghintay ng matagal sa polling precincts para makaboto.
Sinabi pa nito, plano niyang maghain ng mosyon sa Comelec en banc, na huwag bayaran ng buo ang kompanyang nagsuplay ng SD cards.
“Pero ang gusto kong i-announce, ito ah, this is my personal view, itong supplier ng SD cards ay hindi namin babayaran ng buo,” ani Guanzon.
“Papasuri ko ‘yan, ‘yung proseso sa bidding at pag-deliver nila ng cards kasi ‘yan po talaga ang naging problem,” paliwanag pa nito.
Nilinaw naman ni Guanzon na hindi pa nagdedesisyon ang Comelec en banc sa issue.
Una nang iniulat ng Comelec na nasa 1,665 SD cards ang kinailangan nilang palitan sa kasagsagan ng halalan matapos na pumalya ang mga ito, na nagdulot nang pagka-delay ng eleksiyon sa ilang lugar.
Subalit, nilinaw ng Comelec na ito’y maliit na porsiyento o 1.9% lamang naman ng kabuuang 85,796 SD cards na ginamit nila sa eleksiyon. Bukod naman sa SD cards, pumalya rin ang may 961 o 1.1% ng kabuuang 85,796 VCMS.
Gayunpaman, aminado ang Comelec na mas maraming SD cards at VCMs ang pumalya ngayong taon, kumpara sa mga nakalipas na eleksyon na kung saan ay isinisi ang pangyayari sa mababang kalidad o low quality ng SD cards.
Inamin din nila na nagkaroon sila ng pagkukulang dahil nang idaan sa bidding ay pinili nilang maging supplier ang kompanyang may pinakamababang bid na nasa P29 milyon lamang, dahil ito anila ang nakasaad sa procurement law. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.