(Giit ni Junjun) BRGY EXECS KASANGGA NG CITY HALL

Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay, Jr

ANG MGA kapitan ng barangay ay katuwang ng city hall at dapat na bigyan ng kapangyarihan sa pangangasiwa para maging mas epektibong mamuno.

Ito ang pahayag ni dating Makati City Mayor Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay, Jr. kasabay ng pagsasabi na ang mga kapitan ng barangay at iba pang mga opisyal sa lungsod ay nagpaabot ng kanilang pangangailangan sa mas maluwag na pakikilahok sa pagpaplano at implementasyon ng mga programa at proyekto sa Makati.

“Sa aking pag-iikot sa mga komunidad upang makaniig ang mga residente ng Makati at ang kanilang pamunuan sa barangay, iyan ang ipinararating nilang mga komento––pakiramdam kasi nila sa barangay ay nawalan sila ng papel sa pangangasiwa sa lungsod. Ito ay dapat nating tugunan,” ayon kay Binay, na nagsumite ng kanyang certificate of candidacy sa pinakamataas na puwesto sa Makati noong ika-16 ng Oktubre.

“Malaki ang ginagam­panang papel ng mga barangay official sa local governance. Sila ang frontliners ng city government pag-dating sa pamamahagi ng basic services, sa pagpapanatili ng kaayusan at katiwasayan, at sa pakikinig sa mga pangangailangan ng aming mga nasasakupan,” giit ni Binay, na nagtapos ng Philippine Studies at ng kanyang Master’s Degree sa public administration mula sa UP Diliman.

“Dapat silang pakinaba­ngan ng lungsod dahil mahalaga ang kanilang ambag sa panga­ngasiwa; sila ang inaasahan na ipatupad ang mga polisiya ng city hall. Dapat lamang na sila’y konsultahin at himukin ang kanilang pakikilahok.”

Bago pa man nagdeklara ng kanyang pagnanais na bumalik sa dating posisyon na kanyang pinagsilbihan ng dalawang magkasunod na termino, 21 sa 33 mga barangay captain sa lungsod ang nagpahayag ng kanilang pagsuporta sa kandidatura ni Binay, kasama ang 13 sa 16 incumbent elected councilors ng Makati na nagbigay rin ng kanilang pagsuporta sa kanyang pagtakbo.

Ayon kay barangay captain Mario Montanez ng Brgy. Bangkal, marami sa kanyang kapwa opisyal sa barangay ay nagkaroon noon ng magandang pakikipag-ugnayan kay Binay, na regular silang kinakausap nang ito ay nanunungkulan pa.

“Si Mayor Junjun madalas talagang bumababa sa barangay, kaya alam talaga niya ang sentimiyento ng mga kapitan at kagawad. Kapag ganyan ang relasyon, naiiwasan ang miscommunication,” ayon kay Montanez.

“Ang maganda sa ganitong pakikipag-ugnayan ay naiiwasan ang banggaan ng aming patakaran sa alituntuning nais ipatupad ng city hall. Hindi ka nabubulaga na lang isang umaga na may mga bago na palang mga patakaran sa traffic at parking, mga patakarang kami ang nagpapatupad. Nakalilito at hindi epektibo kung gano’n,” paliwanag pa ni Montanez.

Pahayag naman ni Jojo Salvador, kapitan ng Brgy Carmona, ang mga opisyal ng barangay sa Makati ay umaasa na ibabalik ni Binay ang pa­ngangasiwa ng mga pasilidad ng barangay mismo sa mga barangay dahil ang mga residente nito ay hindi na kina-kailangan pang pumunta sa Makati City Hall para lamang humingi ng permisong gamitin ang sarili nilang mga basketball court o anumang pasilidad sa kanilang mga barangay.

“Ang siste ngayon, naka-centralize lahat sa city hall. Kapag kailangang gamitin ng mga senior ang basketball court para sa kanilang aktibidad, kaila­ngan pa nilang pumunta sa city hall. Noon, nagpapaalam lang sila sa barangay. Ganoon din sa pagtatayo ng mga tolda o pansamantalang istruktura. Kayang-kayang gawin ang mga bagay na ito ng mga barangay, ngunit ngayon permiso ng city hall ang kinakailangan,” aniya.

Ayon sa dating alkalde, “ang mga halimbawang ito ay paglabag sa konsepto ng barangay na inilatag ni Ninong Nene (dating Sen. Nene Pimentel) sa Local Government Code (LGC).”

Paliwanag pa ni Binay, halaw sa LGC, “the barangay is the basic political unit and serves as the primary planning and implementing unit of government policies, plans, programs, projects, and activities in the community, and as a forum wherein the collective views of the people may be expressed, crystallized and considered.”

“Napakalinaw na dapat kasama, kakampi, at kasangga ng city hall ang mga taga-barangay––hindi kala-ban, at hindi karibal. Maayos kami noon, ang aming pakikipagtuwang, sa aking paninilbihan ng dalawang termino bilang mayor, at umaasa akong maipanunumbalik natin ang magandang relasyong ito kung muling ilalagak sa atin ang tiwala ng mamamayan ng Makati.”

Comments are closed.