GILAS 3X3 TEAM SISIMULAN ANG KAMPANYA SA FIBA ASIA CUP

UMALIS ang Gilas Pilipinas 3×3 team patungong Singapore nitong Huwebes para sa kanilang kampanya sa FIBA 3×3 Asia Cup.

Ang koponan na magtatangkang maduplika, kundi man mahigitan, ang fourth place finish na natamo ng bansa noong nakaraaang taon ay kinabibilangan nina Almond Vosotros, Jorey Napoles, Samboy De Leon, at Brandon Bates. Ang coach ng koponan ay si Lester Del Rosario.

Sina Vosotros at De Leon ay nasa parehong koponan na tumapos sa fighting fourth sa 2022 edition ng Asia Cup kung saan naitala ng mga Pinoy ang 21-20 upset sa top seed Mongolia sa semifinals.

Sina Vosotros at De Leon ay kapwa mainstays ng PBA 3×3 grand slam champion TNT, habang si Napoles ay sa Cavitex at si Bates sa Platinum Karaoke.

Kasama rin ng grupo sina PBA 3×3 tournament director Joey Guanio at Ronnie Magsanoc, national program head sa 3×3 ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Ang mga Pinoy ay sasabak kontra Draw D top qualifier at Qatar ngayong Biyernes.

Seeded fourth sa torneo na magtatapos sa April 2, ang bansa ay nasa Pool D kasama ang Qatar at ang top qualifier sa Draw D, na binubuo ng Malaysia, Iran, Hong Kong, at Brunei.

Ang Pool A ay pinangungunahan ng top seed Mongolia at ng host country kasama ang top qualifier sa Draw A.

Samantala, ang Pool B ay binubuo ng Japan, Australia, at ng Draw B top qualifier.

Pinangungunahan naman ang Pool C ng China, India, at ng Draw C no.1 team.

Ang top two teams sa kani-kanilang grupo ay aabante sa knockout quarterfinals.

Ang mananalo sa three-day meet ay makakakuha ng puwesto sa isa sa 3×3 qualifiers sa Paris Olympics.