GILAS BUKAS SA SINUMANG PBA PLAYERS

HINDI isinasara ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes ang pinto sa sinumang PBA player o players na nais palakasin ang koponan para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Feb. 24-28 sa Smart Araneta Coliseum.

“We want to keep our options open,” sabi ni Reyes, na nangangasiwa sa pagsasanay ng Gilas squad na sinamahan ng ilang TNT players sa Mt. Malarayat Golf and Country Club sa Lipa, Batangas.

“It’s work in progress. We’re not announcing any lineup precisely because we don’t know what the final lineup will be. There’s no final determination yet,” pahayag ni Reyes sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.

Dumalo rin sa forum si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios, na nagbigay ng update sa mga paghahanda para sa nalalapit na event, partikular sa pagsunod sa COVID-19 health and safety protocols.

Sinabi ni Barrios na lagi siyang nakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng FIBA.

“There are so many details on protocols. As of yesterday, FIBA was updating us and they’ve decided on everyday antigen testing for participants in the qualifiers. We thought it would be RT-PCR testing upon arrival and on the fifth day, then we got word FIBA wants everyday antigen testing,” ani Barrios.

Ang Gilas squad, na ang lineup ay labis na naapektuhan ng pandemya at ng exodus ng mga player sa Japan, ay sumasailalim sa malaking pagbabago sa ilallm ni Reyes, halos tatlong linggo bago ang FIBA event kung saan makakaharap ng mga Pilipino ang  South Korea ng dalawang beses, New Zealand, at India.

Kabilang sa Gilas players na nasa lineup sina Will Navarro, Juan Gomez de Liano, Dwight Ramos, Jaydee Tungcab, Tzaddy Rangel at naturalized player Ange Kouame. Ang TNT players na nasa camp ay kinabibilangan nina veteran internationalists Troy Rosario, RR Pogoy, at Poy Erram.

Sinabi ni Reyes na may iba pang TNT players  na maaaring kunin sa koponan para tumulong sa kampanya, gayundin ang mula sa ibang PBA ballclubs.

Anuman ang maging  resulta sa qualifiers, ang Pilipinas ay pasok na sa 2023 FIBA World Cup na iko-co-host nito sa Japan at Indonesia.