Kumana ng floater shot si Jordan Clarkson ng Gilas Pilipinas laban kay Leonel Paulo ng Angola sa kanilang laro sa 2023 FIBA Basketball World Cup noong Linggo ng gabi sa Araneta Colisium. Kuha ni PETER BALTAZAR
HINDI lamang kailangang talunin ng Gilas Pilipinas ang Italy ngayong Martes upang manatili sa kontensiyon para sa susunod na round ng FIBA World Cup group phase.
Kailangan ng mga Pinoy na tambakan ang Azzurri upang magkaroon ng fighting chance na makausad sa second round, kahit maliit lamang ito.
Natalo sa dalawang laro sa opening round, ang Gilas ay nahaharap sa mabigat na hamon na talunin ang no. 10 ranked team sa mundo ng 13 points o higit pa para makalikha ng three-way tie para sa no. 2 berth sa Group A.
Kasunod ng 80-70 pagkatalo sa Angola noong Linggo ng gabi, ang host ay sasalang sa 8 p.m. game sa Araneta Coliseum na may -16 point differential.
Ang Italy at Angola, na tabla sa 1-1 sa likod ng undefeated Dominican Republic (2-0), ay may +9 at -4 point differential, ayon sa pagkakasunod.
Kasabay nito, kailangan din ng Dominican Republic na manalo laban sa Angola sa 4 p.m. curtain raiser upang manatiling buhay ang kanilang pag-asa.
Gayunman ay hindi pumapanig ang kasaysayan sa Pilipinas.
Sa dalawang naunang World Cup meetings sa Italy, ang mga Pinoy ay natalo sa parehong laro na may average margin na 35 points, kabilang ang 108-62 blowout sa 2019 edition ng torneo na idinaos sa China.
Batid ni coach Chot Reyes ang mahirap na daan na tatahakin ng national team na katulad sa pagdaan sa butas ng karayom.
Subalit may pag-asa pa rin, kahit napakaliit lamang nito.
“We have to focus on the present and prepare for Italy. We can’t be emotional at this time when we have one more game left to focus on,” aniya.
Aabangan sa Gilas-Italy showdown ang pagtatagpo nina Utah Jazz teammates Jordan Clarkson at Simone Fontecchio.
Ang pagkatalo ng national team ay maglalagay sa kanila sa classification phase.
-CLYDE MARIANO