GILAS DIDIKIT SA GOLD

HANOI — Sisikapin ng Gilas Pilipinas na makalapit sa men’s basketball gold medal sa pagsagupa sa Malaysia sa 31st Southeast Asian Games ngayong Sabado rito.

Nakatakda ang laro sa alas-11 ng umaga sa Than Tri Gymnasium,  dalawang oras makaraang sumalang ang Gilas women’s squad para sa ika-4 na sunod na panalo kontra Singapore.

“We all know that the big test is Indonesia but we can’t look past Malaysia. We’ve been watching. ‘Yung Malaysian (team) sa atin nagpatigas ‘yan. They played in the Philippines and we really like the way they play,” wika ni Gilas coach Chot Reyes patungkol sa kanilang katunggali na lumahok sa PBA D-League noong 2017.

Makaraang maglaro ng apat na sunod na araw, ang Gilas ay sasalang sa laro na galing sa one-day break noong Biyernes, isang araw makaraang maitala ang 118-87 panalo kontra Vietnam para sa kanilang ika-4 na panalo sa six-team tourney.

Ang laro kontra Indonesia ay nakatakda sa Linggo.

Nagbuhos si June Mar Fajardo ng 25 points, habang nagdagdag sina Kiefer Ravena at Francis ‘LeBron’ Lopez ng tig-12 kontra  Vietnam.

Ang women’s squad ay galing sa 118-87 panalo laban sa Vietnam noong Huwebes sa likod ng 17 three-pointers.

Nanguna si Khate Castillo para sa women’s team na may 25 points, kabilang ang 7-of-11 mula sa three-point area.

“Ipagpatuloy lang natin ‘yung ginagawa natin. Wag na tayong mag-iba. The team right now, ‘yung energy nandoon. Kita niyo naman ang line-up, all heart,” sabi ni women’s coach Patrick Aquino.