(Gilas hinamon ni Duterte) “BILOG ANG BOLA”

duterte

DAPAT magsilbing hamon sa Gilas Pilipinas ang ‘defeatist remark’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa koponan, ayon sa kanyang spokesman.

Sa pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, nagsasabi lamang ng totoo si Duterte na maliit lamang ang tsansa na magwagi ng mga Pinoy laban sa mas matatangkad na players ng Italy sa 2019 FIBA World Cup.

“Sabi niya (Duterte) ‘I’m speaking of reality na medyo tagilid tayo pero ang bola ay bilog. Ball is round,’” pahayag ni Panelo sa mga reporter sa Beijing.

Hindi tiwala si Duterte sa tsansa ng Nationals kontra Italy, subalit malaki ang kumpiyansa laban sa Angola

“The statement of the President that most likely you would lose should be a challenge to you and should inspire you to make him wrong,” wika ni Panelo sa mga player.

Dagdag pa niya, matutuwa ang Pangulo kapag nanaig ang mga Pinoy laban sa bigating koponan.

Inaasahang panonoorin ni Duterte ang unang laro ng Gilas laban sa Italy sa Foshan International Sports and Cultural Center sa Sabado.

Ang Pangulo ay umalis kahapon patungong Beijing para sa official state visit.

Sa PSA Forum noong Martes ay sinabi ni team manager Gabby Cui na nakikipag-ugnayan sila sa Presidential Office at sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) upang masiguro na mabibigyan ng magandang puwesto ang Pangulo upang suportahan at mag-cheer sa Nationals.

“We’re really happy and looking forward to having the President watch us there. We really appreciate his support.”

Gumagawa rin, aniya, sila ng paraan para personal na makaharap ng koponan ang Chief Executive.

“Definitely, we’ll find a way to have him (Duterte) meet the team. We will have it schedule with the Presidential Staff. They’ll coordinating with the SBP as of now,” dagdag ng Gilas team manager.