YUMUKO ang Gilas Pilipinas sa Congo, 71-82, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa Torneo de Malaga noong Sabado ng umaga sa Pabellon Martin Carpena sa Malaga, Spain.
Nabigo ang Nationals na masustina ang magandang simula at kinapos sa huli upang magantihan sila ng Congo na kanilang tinambakan, 102-80, sa kanilang unang paghaharap sa pagsisimula ng kanilang 10-day training camp sa Palacio Multiusos de Guadalajara noong nakaraang Miyerkoles.
Nanguna si Robert Bolick para sa Gilas na may 21 points, tampok ang 3-of-5 shooting mula sa three-point range.
Nagdagdag si naturalized player Andray Blatche ng 15 points, subalit nalimitahan lamang sa dalawang puntos sa second half, habang gumawa sina CJ Perez ng 11 at Paul Lee ng 8 para sa Gilas, na lumamang sa 28-20 sa second quarter.
Muling sumandal si coach Yeng Guiao sa nine-man roster dahil kailangan pang magpagaling nang husto ni Gabe Norwood mula sa mild groin strain na kanyang natamo sa naunang laro ng koponan laban sa Congo.
“Gabe’s absence was felt tonight. We lacked the height and the length to compete against Congo,” wika ni Gilas deputy coach Ryan Gregorio.
Subalit walang excuse para sa unang pagkatalo ng mga Pinoy sa tatlong laro sa kanilang 10-day training camp bilang paghahanda sa nalalapit na FIBA World Cup sa China.
Winalis ng Gilas ang dalawang tune-up games laban sa Congo at Ivory Coast sa Guadalajara bago nagtungo sa Malaga para sa mini pocket tournament na tinatampukan din ng world no. 2 Spain.
Sa pagkatalo ay nawalan ng pagkakataon ang mga Pinoy na makaharap ang host country, na pinangungunahan nina Marc Gasol, Ricky Rubio, at iba pang NBA players, sa huling araw ng torneo kung saan ang mananalo sa Spain at Ivory Coast ay makakasagupa ng Congo.
Tumapos si Ron Mvouika na may 21 points upang pangunahan ang Congo, habang nagdagdag si Ruphin Kayembe ng 16.
Kumana rin si Mvouika ng perfect 4-of-4 mula sa three-point range para sa Congo.