GILAS MABIGAT ANG LABAN SA OLYMPIC QUALIFIERS

HINDI magiging madali ang kampanya ng Gilas Pilipinas para makapasok sa Paris Olympics sa susunod na taon matapos na idaos ang draw sa FIBA Olympic Qualifying Tournaments noong Lunes (Martes sa Manila) sa Mies, Switzerland.

Makakagrupo ng Pilipinas ang Latvia, Brazil, Georgia, Montenegro, at Cameroon sa OQT, kung saan gaganapin ang mga laro sa Riga, Latvia sa July 2-7.

Photo Courtesy of FIBA.Basketball

Ang FIBA OQTs ay tatampukan ng 16 best-placed non-qualified teams mula sa FIBA Basketball World Cup 2023, gayundin ng tatlong highest-ranked countries mula sa bawat rehiyon. Lima pang bansa ang nakakuha ng  OQT spots sa pamamagitan ng FIBA Pre-Olympic Qualifying Tournaments.

Sa OQT sa Valencia, Spain, ang magkakalabang koponan ay ang Lebanon, Angola, Spain, Finland, Poland, at Bahamas.

Sa OQT sa Piraeus, Greece, ang magbabakbakan ay ang Slovenia, New Zealand, Croatia, Egypt, Greece, at Dominican Republic.

Sa OQT sa San Juan, Puerto Rico, ang competing teams ay ang Mexico, Ivory Coast, Lithuania, Italy, Puerto Rico, at Bahrain.

Ang anim na koponan ay hinati pa sa dalawang grupo na may tig-3 koponan. Makakalaban ng Pilipinas ang Georgia at hosts Latvia sa Group A, kung saan ang top two teams ay aabante sa semifinals.

Tanging ang winner sa bawat qualifying tournament ang makakakuha ng ticket sa Paris Olympics.

Pitong koponan na ang nag-qualify sa Summer Games: Germany at  Serbia para sa Europe, Canada at United States para sa Americas, Australia para sa Oceania, Japan para sa Asia at  South Sudan para sa Africa. Nag-qualify na rin ang France bilang hosts.