MAHAHARAP sa mabigat na hamon ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup qualifiers sa pagsagupa sa New Zealand sa pagsisimula ng second window ngayong Huwebes sa Mall of Asia Arena.
Nakatakda ang salpukan ng mga Pilipino at Tall Blacks sa alas-7:30 ng gabi, kung saan ang magwawagi ay makukuha ang pansamantalang solo lead sa Group B.
Ang host at visitor ay magkasalo sa top spot sa kanilang bracket na may magkatulad na 2-0 record.
Subalit hindi pa nananalo ang Gilas kontra New Zealand sa huling apat na FIBA meetings magmula pa noong 2016 sa Olympic Qualifying Tournament na idinaos sa Manila, 89-80.
Isa pang talo ang nalasap ng Gilas sa home sa first round ng World Cup Qualifiers sa Smart Araneta Coliseum, 88-63.
Sinabi ni national team coach Tim Cone na ang manalo kontra Tall Blacks sa harap ng inaasahang malaking home crowd ay mahalaga at kailangan para sa Gilas side na magbabalik sa aksiyon makaraang kapusin sa semifinals ng FIBA Olympic Qualifying Tournament noong nakaraang Agosto sa Latvia.
“We want to certainly protect our home court. These are all very important to us. So I really expect us to be ready and motivate to play,” sabi ni Cone.
Tinapos ng Gilas ang four-day training camp nito sa Inspire Sports Academy sa Laguna noong nakaraang Lunes, tampok ang 96-82 panalo laban sa reigning PBA Philippine Cup champion Meralco sa isang tune-up game.
Sinabi ni Cone na inaasahan niya ang tough, physical game mula sa Tall Blacks, na may bagong coach sa katauhan ni Judd Flavel – dating player ni ex-Gilas coach Tab Baldwin – at magpaparada ng parade familiar names tulad nina dating Converge import Tom Vodanovich at veteran Corey Webster.
“They are a tough, tough team. They are a physical team,” anang Gilas coach. “They’re a nation of rugby players, so they know how to play physically. It’s part of their culture.
“It’s not personal. It’s just the way they play. So that’s something we have to be conscious of.”
Bukod kina Vodanovich at Webster, ang 13-man New Zealand team ay binubuo nina Taylor Britt, Kaia Isaac, Flyn Cameron, Izayah Mauriohooho Le’afa, Walter Brown, Hyrum Harris, Oscar Goodman, Max Darling, Sam Mennenga, Sam Waardenburg, at Tyrell Harrison.
Sina Brown, Harris, Cameron, Le’afa, at Britt ay bahagi ng Tall Blacks na tumapos sa 22nd sa FIBA World Cup sa Manila noong nakaraang taon.
Samantala, ang 34th ranked Gilas ay pangungunahan nina naturalized player Justine Brownlee, June Mar Fajardo, CJ Perez, Scottie Thompson, Calvin Oftana, Kai Sotto, Japeth Aguilar, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Chris Newsome, Carl Tamayo, at Mason Amos.
Ang panalo ng Gilas ay magdadala sa koponan sa 2025 FIBA Asia Cup sa Saudi Arabia.
CLYDE MARIANO