GILAS MEN, WOMEN MAGSASAGAWA NG JOINT PRACTICE PARA SA ASIAD

gilas

MAGSASAGAWA ang Asian Games-bound Philippine men’s at women’s national basketball teams ng joint practice ngayong Huwebes sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nakatakda ang joint practice sa alas-4 ng hapon.

Ayon kay Gilas Pilipinas coach Tim Cone, bubuksan sa publiko ang gates ng kanilang training facility.

“No tickets are necessary,” wika ni Cone. “We just want the public to come and observe.”

Ayon kay Cone, ang Gilas men’s at women’s teams, ang huli ay ginagabayan ni Pat Aquino, ay magsi-share ng court at magkakaroon ng interactions sa pagitan nila.

Ang 19th Asian Games ay gaganapin sa Hangzhou, China simula sa September 23, kung saan ang basketball competitions ay idaraos sa September 26 -October 6 sa dalawang venues: ang Hangzhou Olympic Sports Centre Gymnasium at Zhejiang University Zijingang Gymnasium.

Magmula nang matapos ang FIBA Basketball World Cup noong September 10, , ang Gilas Pilipinas team sa ilalim ni Cone ay nagsasanay sa government-owned sports venue mula alas-11 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. Ang Nationals ay lilipat sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna sa September 16, Sabado, bago tapusin ang kanilang paghahanda sa isang tuneup game laban sa Changwon LG Sakers of South Korea sa September 22, Biyernes.

Ang koponan ay aalis patungong Hangzhou sa Sabado, September 23.

Samantala, ang Gilas Women ay galing sa remarkable performance sa FIBA Women’s Asia Cup sa Sydney, Australia.