PINATAOB ng Gilas Pilipinas ang Lebanon, 107-96, sa sixth at final window ng 2023 FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers kagabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Mataas ang morale sa dumadagundong at nakabibinging sigawan ng mga Pinoy, kinontrol ng Gilas ang laro upang makaganti sa Lebanon, na tumalo sa kanila, 85-81, noong nakaraang Agosto.
Impresibo si Justin Brownlee sa kanyang debut sa Gilas na may 17 points, habang nagdagdag sina Jamie Malonzo ng 15 at Mason Amos ng 13 points.
Kinontrol ng mga Pinoy ang first half, higit ang three-point area.
Isang back-to-back treys ni Brownlee at isang long looper mula kay June Mar Fajardo ang nagbigay sa nationals ng 18-15 kalamangan.
Tinampukan ni Brownlee ang half sa isang dunk, na nagbigay sa Gilas ng 53-41 halftime advantage.
Nag-step up sina Sergio El Darwich at Hayk Gyokchan para sa Cedars sa third, subalit hindi maapula ang init ng nationals mula sa perimeter. Ang tres nina Amos at Malonzo ay nagpalobo sa kalamangan sa 84-62.
Naglaro ang Lebanon na wala ang ilang key players nito, kabilang sina clutch forward Wael Arakji at big man Ali Haidar.
Ang Pilipinas, Lebanon at New Zealand mula sa Group E ay pasok na sa World Cup.
Makakasagupa ng Gilas ang Jordan sa kanilang huling qualifying game sa Lunes sa parehong Bulacan venue.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Philippines (107) – Brownlee 17, Malonzo 15, Amos 13, Heading 10, Parks 10, Ramos 10, Fajardo 9, Perez 8, K. Ravena 8, Thompson 5, T. Ravena 2, Oftana 0.
Lebanon (96) – Saoud 27, Gyokchyan 21, El Darwich 19, Zainoun 14, Khoueiry 6, Mansour 6.
QS: 25-19, 53-41, 82-64, 107-96.