SUMALANG ang Gilas Pilipinas sa matinding scrimmage sa NLEX Road Warriors kung saan kinailangan ng national team na humabol mula sa 10-point deficit sa fourth quarter upang maitakas ang 84-80 panalo kahapon sa Meralco Gym.
Sinelyuhan ni Robert Bolick ang panalo sa pagsalpak ng malalim na three-pointer mula sa assist ni Andray Blatche, may 7 segundo sa orasan.
“Actually, mabagal nag-umpisa ‘yung mga player natin. Pero late on sa game, chinallenge natin sila, kailangan nating dumipensa, hindi lang puro opensa,” sabi ni Gilas assistant coach Ford Arao, na nagmando sa koponan kapalit ni Yeng Guiao.
Sa come-from-behind win ng Gilas ay nagsalpak si Kiefer Ravena ng krusyal na triples at umatake si Blatche sa paint upang sindihan ang paghahabol ng nationals.
“At least, makikita natin ‘yung character ng mga player, ‘di ba. Kasi mayroong mga ibang player na umpisa okay, pero pagdating ng dulo nawawala eh,” aniya. “At least ito, medyo malamig ang umpisa pero sa dulo, ayaw magpatalo, gusto manalo, mas okay ‘yun.”
Ang national team ay magpapraktis araw-araw hanggang Sabado bago umalis para sa training camp sa Spain.
Comments are closed.