GILAS OLAT SA LEBANON

SINIRA ng Lebanon ang debut ni Jordan Clarkson sa FIBA World Cup qualifiers makaraang maitala ang 85-81 panalo kontra Gilas Pilipinas sa pagsisimula ng fourth window ng torneo kahapon sa Zouk Mikael.

Binuhat ni Wael Arajki ang Cedars sa krusyal na sandali nang umiskor ng pitong sunod na puntos sa final minute ng pukpukang labanan upang maitakas ang dramatic victory sa harap ng ecstatic home crowd sa Nouhad Nafal Sports Complex.

Isinalpak ng itinuturing na best player sa Asia ngayon ang dalawang free throws mula sa foul ni Scottie Thompson upang basagin ang 78-78 pagtatabla, may 57 segundo sa laro, bago kumana ng clutch three mula sa corner makaraang marekober ang bola mula sa block ni Kai Sotto kontra Ali Haidar upang kunin ang five-point lead para sa home team.

Tumapos si Arajki, itinanghal na MVP sa katatapos na FIBA Asia Cup, na may 24points sa 10-of-11 shooting mula sa foul line, kabilang ang huling dalawa sa final 5.3 seconds upang kunin ang panalo para sa Lebanon.

Sa panalo ay umangat ang Cedars sa 4-1 para sa second place sa Group E at sinira ang unang laro ni Clarkson para sa Pilipinas sa qualifiers.

Ang 30-year-old Utah Jazz guard ay kumamada ng game-high 27 points, 7 assists, at 6 rebounds bilang naturalized player ng Gilas.

Nagtala siya ng 18 sa first half upang pangunahan ang mainit na simula ng mga Pinoy, na lumamang ng hanggang 19-9, ngunit gumawa ng siyam na turnovers sa second quarter na nagbigay-daan para umabante ang Cedars sa 49-47 sa break.

Sa kabuuan, ang Pilipinas ay may 21turnovers na inamin ni coach Chot Reyes na nakasakit sa koponan.

“I think we battled hard, we competed, but unfortunately, we had too many turnovers. Twenty one turnovers really was a big difference in this ballgame,” sabi ni Reyes pagkatapos ng laro.

Tumapos si Dwight Ramos na may double-double na 18 points at 10 rebounds para sa Pilipinas, na nakakuha rin ng 11 points at 6 rebounds mula kay Japeth Aguilar.

Uuwi ang mga Pinoy mula sa Lebanon sa Sabado at haharapin ang Saudi Arabia sa Lunes sa Mall of Asia Arena target na makabawi matapos na mahulog sa 2-3 record.

Iskor:
Lebanon (85) – Arajki 24, Saoud 17, Haidar 10, Gyokchan 9, Zeinoun 7, Arledge 6, Chanmoun 3, Mansour 3, Ezzedine 3, Mezher 3.
Philippines (81) – Clarkson 27, Ramos 18, Aguilar 11, Sotto 10, Thompson 4, Newsome 3, K Ravena 3, Malonzo 3, T. Ravena 2, Tamayo 0, Parks 0, Oftana 0.
Quarterscores: 22-25; 49-47; 68-63; 85-81.