MATAPOS ang four-day training session na nakapokus sa pagpapalakas sa team chemistry sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna, lilipad ang kulang sa taong Gilas Pilipinas sa Estonia ngayong Huwebes ng gabi.
Inaasahan na ni Gilas coach Chot Reyes na hindi lahat ng 20 miyembro ng national pool ay makakasama dahil apat na players ang nagpapagaling pa mula sa iba’t ibang injuries.
Patuloy si TNT veteran shooter Roger Pogoy sa kanyang therapy makaraang mabali ang right pinky finger sa katatapos na PBA Governors’ Cup Finals. Nagpapagaling din si Calvin Oftana sa calf injury na kanyang tinamo sa Southeast Asian Games noong Mayo.
Hindi rin makakasama sina Bobby Ray Parks (wrist) at Jordan Heading (back) sa Gilas squad.
Magandang balita naman na balik-aksiyon na sina PBA stars June Mar Fajardo at Japeth Aguilar matapos makarekober mula sa injuries na tinamo sa PBA season.
Hindi lumahok si Justin Brownlee, isa sa tatlong naturalized players sa pool, sa training sa Laguna makaraang sumailalim sa “non-basketball medical procedure” sa United States, tulad ng nakasaad sa Instagram update ni Reyes noong Martes. Subalit inaasahang sasamahan niya ang Gilas pool sa Estonia.
Bagama’t ang training sa Laguna ay maaaring hindi ideyal dahil sa injury recoveries, inaasahan ni Reyes na ibibigay ng mga nalalabing malusog na players ang lahat sa pagharap sa national teams mula Estonia, Finland, at Latvia.
Sina Utah Jazz star Jordan Clarkson at young center Kai Sotto ay inaasahang hindi makakasama sa European trip.
Nag-ensayo si Dwight Ramos, isa sa ilang Japan B.League players sa pool, sa koponan ng dalawang araw makaraang makarekober mula sa ankle injury na kanyang tinamo sa mga huling bahagi ng Japan B.League noong nakaraang taon.
Ang European trip ay bahagi ng paghahanda ng Gilas para sa 2023 FIBA World Cup, kung saan sisimulan nila ang kanilang group stage campaign kontra Dominican Republic sa August 25 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.