SA KANYANG ikalawang pagsabak sa FIBA World Cup bilang head coach ng Gilas Pilipinas, batid ni Chot Reyes kung gaano kabigat ang kumpetisyon.
At alam din niya na para magkaroon ng mas magandang pagtatapos ang Pilipinas kumpara sa mga nauna nitong paglahok, ang pagbuo ng ‘best team possible’ ay marahil ang kasagutan.
“We’re not picking the best talent, we’re picking the best team. We are putting the best team together, we’re not putting a group of superstars. We want to pick the best team possible,” pahayag ni Reyes noong Sabado ng gabi sa 2023 FIBA World Cup draw na idinaos sa Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang pagmando ni Reyes sa world stage, noong una ay noong 2014 nang sumabak ang nationals sa World Cup sa Spain. Ang Pilipinas ay tumapos noon na may 1-4 kartada sa group stage, nasibak sa kontensiyon at sa huli ay tumapos sa ika-21 puwesto sa 24 koponan.
Ang bansa ay lumahok din sa 2019 edition ng World Cup.
Subalit sa 2014 tourney ay napatunayan na kayang makipagsabayan ng Gilas Pilipinas sa iba pang powerhouse teams kung saan lumaban sila kontra Croatia (81-78 in OT), Greece (82-70), at Puerto Rico (90-79). Nakapagtala rin sila ng panalo makaraang gapiin ang Senegal sa overtime, 81-79.
Gayunman ay inaasahan ni Reyes na ang susunod na crop ng national team players ay kinakailangang mas mahusay sa Gilas team na isinabak noong 2014.
“It’s a kind of situation where I’ve been here before. I kind of know what to expect, but then again, the game is always evolving. Our competition is always evolving and getting better,” ani Reyes.
“I think if we come in with the game that we brought in in 2014, it’s not gonna be enough. We have to be much, much better. And I hope that from now to then, we can find a way to really become a much better team.”