NAKOPO ng Gilas Pilipinas U23 ang kanilang unang titulo sa 2024 FIBA 3×3 Nations League Asia 2 noong Sabado ng gabi sa China.
Winalis ng nationals ang elimination round ng Stop 5 na may tatlong panalo bago naiposte ang 21-12 upset victory kontra powerhouse Mongolia sa kanilang finals duel upang kunin ang titulo.
Nanguna si Noy Remogat ng University of the Philippines para sa Gilas na may 7 points, kabilang ang game-winning deuce, may 3:03 ang nalalabi sa laro.
Nagdagdag sina University of Perpetual Help System DALTA’s Patrick Sleat ng 6 points, at Colegio de San Juan de Letran’s Jun Roque ng 5.
Nag-ambag naman si JM Tulabut ng 3 points.
Bago ang kanilang gold-clinching victory, ang best finish ng Nationals ay bronze sa Stop 2 sa likod ng first-placers Mongolia at second-place finishers Japan.
Tungo sa gold, tinalo rin nila ang China, 20-17, at Japan, 19-18, sa Pool B.
Ang panalo ay naglagay sa kanila sa No.3 sa men’s standings na may 340 points. Kasalukuyang nangunguna ang Mongolia na may 460 points, habang No. 2 ang Japan na may 260 points.