GILAS PILIPINAS WOMEN UMANGAT SA FIBA RANKINGS

UMAKYAT ang Philippine national women’s basketball team sa No. 43 sa mundo, ayon sa latest global rankings na inilabas ng FIBA.

Umangat ang Gilas Pilipinas Women ng walong puwesto mula sa dating 51st spot kasunod ng matikas na pagtatapos sa 2021 FIBA Women’s Asia Cup noong nakaraang Oktubre sa Amman, Jordan.

Napanatili naman ng USA, Spain, at Australia ang kanilang rankings sa first, second, at third places, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa Asia Cup ay tumapos ang mga Pinay sa  ika-7 puwesto makaraang maitarak ang 74-70 panalo kontra India sa kanilang classification match, na nakatulong para mapanatili ng koponan ang kanilang puwesto sa Division A.

Ang latest ranking ay makatutulong nang malaki sa paghahanda nito para sa abalang 2022, kung saan target nitong sumabak sa ilang kompetisyon tulad ng pre-qualifying tournament ng 2022 FIBA Women’s World Cup sa Pebrero, Vietnam Southeast Asian Games sa Mayo, at 2022 Asian Games.