DADAYO ang Philippine national men’s basketball team para sa mga laro nito sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers sa Manama, Bahrain.
Inanunsiyo ng FIBA na ang Manama ang magiging hosts sa ‘bubble’ para sa mga laro sa Groups A at D.
Bukod sa Filipinas, nasa Group A din ang South Korea, Indonesia, at Thailand. Kabilang naman sa Group D teams ang Bahrain, Iraq, Lebanon, at India.
Noong Pebrero ay inilampaso ng Filipinas ang Indonesia, 100-70, sa nag-iisa nitong qualifying game sa kasalukuyan.
Wala pang eksaktong petsa para sa November games.
Ang desisyon na idaos angNovember 2020 at February 2021 qualifying windows sa bubbles ay ipinalabas noong nakaraang Setyembre makaraang isaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan ng mga player, coach, at official, at alinsunod sa rekomendasyon ng Medical and Competitions Commissions.
Bukod sa Manama, ang Doha at Amman ay napili ring host cities.
Ang Doha, Qatar ay magiging hosts sa mga laro sa Groups B at E. Ang Group B teams ay kinabibilangan ng China, Japan, Chinese Taipei, at Malaysia, habang ang Group E ay binubuo ng Qatar, Iran, Syria, at Saudi Arabia.
Samantala, ang Amman, Jordan ay magsisilbing hosts para sa Window 2 games sa Group F. Ang mga koponan sa Group C ay kinabibilangan ng Jordan, Kazakhstan, Palestine, at Sri Lanka.
Comments are closed.