FOSHAN, China – Batid ni Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao na mahaharap ang kanyang koponan sa isa na namang mabigat na laban sa pagsagupa sa Serbia, isa sa mga paborito sa torneo, sa kanilang ikalawang laro sa 2019 FIBA Basketball World Cup ngayong araw.
Hindi naging maganda ang simula ng kampanya ng Filipinas sa Group D makaraang tambakan ito ng Italy, 108-62, sa Foshan International Sports and Cultural Center dito noong Sabado ng gabi.
Marami ang hindi nasunod sa plano ng Gilas Pilipinas kung saan anim na three-pointers ang kanilang isinuko sa first quarter pa lamang, na nagbigay-daan para kunin ng Italy ang 37-8 bentahe na hindi nahabol ng mga Pinoy. Naghabol sila ng hanggang 53 points sa laro bago nalasap ang 46-point defeat.
“I just told them, if we’re going to lose, we just need to play decent basketball. We just need to keep fighting it out. We just needed to execute,” wika ni Guiao matapos ang laro.
“We prepared long, but apparently, a lot of that preparation did not manifest itself,” dagdag pa niya. “So, of course we’re disappointed, but it’s a learning experience.”
Laban sa powerhouse Serbia ay mas malaki ang alalahanin ni Guiao. Pinatunayan ang pagiging paborito sa torneo ay binomba ng Serbia ang Angola, 105-59, noon ding Sabado.
Matindi ang opensa ng Serbia sa pagbuslo ng 65% ng kanilang field goals – kabilang ang 13 of 20 three-pointers. Ang statistic na ito ang dahilan ng labis na pagkabahala ni Guiao makaraang hayaan nila ang Italy na kumana ng 15-of-31 sa 3-point area sa kanilang laro.
“Certainly, that’s a big worry, especially with their bigs also being able to shoot that 3. (Nikola) Jokic and the rest of those guys can shoot from anywhere on the floor,” aniya.
“So if we had a problem with Italy, that’s also going to be the same problem, probably an even worse problem, against Serbia,” pag-aamin niya.
Comments are closed.