GILAS SASALANG SA OQT TRAINING CAMP

SISIMULAN ng Gilas Pilipinas ang paghahanda nito para sa qualifiers ng Paris Olympics sa pagdaraos ng isang closed-door training camp sa  Inspire Sports Academy ngayong weekend.

Si head coach Tim Cone at ang buong  national team ay papasok sa  Laguna-based camp simula ngayong Biyernes hanggang Linggo.

Si naturalized player Justin Brownlee ay dumating sa bansa noong Lunes at sasamahan ang koponan sa buong panahon ng  training camp.

Si Brownlee ay galing sa kanyang stint sa Indonesian club Pelita Jaya sa Basketball Champions League Asia na idinaos kamakailan sa Dubai.

Gayunman ay hindi makakasama ng national team sina injured players AJ Edu (knee) at Jamie Malonzo (calf). Inaasahang pupunan nina  reserves Japeth Aguilar at young big man Mason Amos ang butas na kanilang iiwan.

 Ang iba pa sa koponan ay kinabibilangan nina June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Newsome, Scottie Thompson, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, at Kai Sotto.

Matapos ang camp, ang Gilas ay sasalang sa tune up game kontra  Taiwan Mustangs sa Lunes sa Philsports  Arena bilang bahagi ng sendoff na inihanda ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP).

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi at mapapanood nang live sa One Sports, One Sports+, at Pilipinas Live.

Kinabukasan, ang mga Pinoy ay aalis patungong Europe para sa friendly kontra national teams ng Turkey at  Poland bago tumuloy sa Latvia para sa qualifiers.

Ang OQT ay nakatakda sa July 2-7 sa Latvia, kung saan ka-grupo ng Pilipinas ang Georgia at ang host country.