GILAS SISIMULAN ANG FIBA CAMPAIGN VS DOMINICAN REPUBLIC

Mga laro ngayon:
(Philippine Arena, Bocaue, Bulacan)
4 p.m. – Angola vs Italy
8 p.m. – Gilas vs Dominican Republic

SISIMULAN na ng Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa FIBA Basketball World Cup 2023 sa pagsagupa sa Dominican Republic sa harap ng inaasahang record crowd sa Philippine Arena ngayong Biyernes.

Nakatakda ang salpukan sa alas-8 ng gabi kung saan pangungunahan ang mga Pinoy ni dating NBA Sixth Man of the Year Jordan Clarkson na may misyong silatin ang Karl-Anthony Towns-bannered Dominicans.

Magsisilbing appetizer sa main event ang bakbakan sa pagitan ng Angola at ng powerhouse Italy sa alas-4 ng hapon.
Batid na malaki ang maaaring maging epekto ng opening game sa kanilang tsansa na umabante sa susunod na round, ang Gilas Pilipinas at Dominican Republic ay kapwa handa sa mabigat na laban.

Inilaan ni Philippine head coach Chot Reyes ang mga huling araw ng paghahanda para sa kanilang game plan.

“Dominican Republic beat Canada and Canada beat Spain. The Dominican [Republic] also fought Spain in a very close match. If only KAT didn’t foul out in that last quarter, they might have [won] that game,” sabi ni Reyes.

“It’s indicative of how strong that team is – a team that has been together for a while and they have a couple of NBA players and one legitimate All-Star in Karl Anthony-Towns,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Gilas Pilipinas captain Japeth Aguilar na kailang ilabas ng buong koponan ang kanilang A-game kontra Dominicans. Hindi nito matitiyak ang panalo, ngunit magbibigay sa kanila ng kahit 50 percent na tsansa na makasilat.

“Kailangan naming i-execute ‘yung game plan, but at the end of the day, even if we play a perfect game, the caliber of Dominican Republic has, you know, it’s still a 50-50 game. We just gotta do our best,” aniya.

Inaasahang magbibigay ng suporta kay Clarkson ang kanyang mga kasamahan sa pangunguna nina Kai Sotto at Scottie Thompson, kasama sina June Mar Fajardo, AJ Edu, at Dwight Ramos.

Hindi naman minamaliit ni Dominican Republic head coach Nestor Garcia ang hosts at sa katunayan ay pinaghandaan ang Gilas Pilipinas na maglalaro sa home at sa harap ng crowd nito.

“We know the Filipinos, they are good shooters. When they play locally, they step up their level, but everything is about concentration for us,” ayon kay Garcia.

“There will be many people in the game. In this country, they love basketball and they support the team, but we are focused that when you play good, you can play and win everywhere,” dagdag pa niya.

Si Towns ang inaasahang magiging focal point ng opensa para sa Dominicans, subalit determinado ring magpasiklab sina Victor Liz, Gervis Solano, at captain Eloy Vargas na nakalaro na si Clarkson sa kanyang mga unang araw sa G League.

Samantala, magpapatibok sa ‘Puso’ ng malaking crowd – na inaasahang bubura sa FIBA attendance record na 32,616 spectators – ang performances mula kay Sarah Geronimo at sa local bands The Dawn at Ben & Ben.