NABIGO ang Gilas Pilipinas na pataubin ang kulang sa taong Lithuania squad makaraang malasap ang 90-80 pagkatalo sa kanilang tuneup game noong Martes ng gabi sa Kaunas, Lithuania.
Isa si naturalized Filipino Justin Brownlee sa mga nanguna para sa nationals, tumapos na may team-high 20 points, na sinamahan ng 7 rebounds, 2 assists, at 4 blocks.
Kinapos si Jamie Malonzo ng isang rebound para sa double-double kung saan nagbuhos ang Ginebra high-flyer ng 14 points, 9 rebounds at 2 assists habang nag-ambag si June Mar Fajardo ng 13 points at 3 rebounds.
Sa kabila ng pagkatalo ay positibo pa rin si Gilas head coach Chot Reyes dahil nasubukan niyang gumamit ng iba’t ibang lineup at kumbinasyon ng players sa court na krusyal sa kanilang paghahanda para sa2023 FIBA World Cup sa Manila.
“But the good thing is that’s part of why we’re here—to figure out different combinations [and] different lineups,” ani Reyes.
Hindi sapat ang magandang nilaro nina Brownlee at Malonzo dahil nagawa ng Lithuania na manalo sa kabila ng pagkakaroon ng walong players lamang sa field.
Nanguna si Tomas Zdanavicius para sa hosts na may 25 points, 7 rebounds, at 4 assists habang nagdagdag si Vytautas Sulskis ng 19 markers at 9 boards.
Ito ang ikatlong pagkatalo ng mga Pinoy sa kanilang European camp — ang unang dalawa ay laban sa Estonia at Finland.