GILAS: Todo paghahanda para sa Olympic qualifier. PBA PHOTO
TATAPUSIN na ng Gilas Pilipinas ang kanilang three-day, closed-door practice ngayong Linggo sa Inspire Sports Academy.
Ang nationals at ang buong coaching staff, sa pangunguna ni Tim Cone, ay pumasok sa Laguna-based camp noong weekend upang magsanay at maghanda para sa darating na Olympic Qualifying Tournament sa Latvia.
Sa kasawiang-palad, hindi nila nakasama sina Scottie Thompson, Jamie Malonzo, at AJ Edu sa camp dahil sa iba’t ibang injuries.
Pumalit kina Malonzo at Edu sina reserves Japeth Aguilar at Mason Amos.
Ang iba pang miyembro ng koponan ay sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Chris Newsome, Calvin Oftana, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, at Kai Sotto.
Sa Lunes ay makakaharap ng Gilas, sa pangunguna ni naturalized player Justine Brownlee, ang Taiwan Mustangs sa isang friendly sa Philsports Arena sa alas-6 ng gabi. Ang laro ay mapapanood nang libre ng publiko.
Ang buong koponan ay inaasahang aalis ng bansa sa Martes,June 25, upang sumalang sa pares ng tune up games laban sa national teams ng Turkey at Poland.
Ang final qualifier ay nakatakda sa July 2-7 sa Latvia, kung saan kagrupo ng Pilipinas ang host country at Georgia.
Ang isa pang grupo ay binubuo ng Cameroon, Brazil, at Montenegro.
Ang top two teams mula sa bawat grupo ay uusad sa crossover semis, bago magharap ang dalawang magwawaging koponan para sa isa sa apat na nalalabing berths sa basketball para sa Paris Games.