PUSPUSAN ang ensayo ng Gilas Pilipinas para sa kanilang unang laro kontra Dominican Republic sa 2023 FIBA World Cup.
Makakasagupa ng mga Pinoy ang Dominicans, ranked No. 23 sa buong mundo, sa opening day sa August 25 sa Philippine Arena.
Umaasa si head coach Chot Reyes na makikita ang kanilang pinaghirapan sa training camps at tuneup games sa mga nakalipas na linggo sa kanilang World Cup opener na nakatakda tatlong araw mula ngayon.
“We’re now going to condense everything that we’ve learned in those last two months and in all the two tuneup games that we’ve played in the next three days of practice,” wika ni Reyes sa isang panayam na ipinost ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
“Combination of video and court work to make sure that we’d be ready to be at our highest form for August 25.”
Ang Gilas ay nagsimulang mag-ensayo noong April bilang paghahanda sa 32nd SEA Games sa Cambodia noomg May. Bilang bahagi ng paghahanda ay pumasok sila sa isang closed-door training camp sa Laguna bago lumipad patungong Phnom Penh, kung saan matagumpay nilang nabawi ang gold medal makaraang pataubin ang host Cambodia sa finals.
Sandali silang nagpahinga bago muling sumalang sa pagsasanay noong June, kung saan nagtungo ang nationals sa Europe para sa isang camp. Sumalang sila sa tuneup games doon laban sa Estonia, Finland, at Ukraine, sa pangunguna ni Justin Brownlee bilang naturalized reinforcement.
Umuwi ang Gilas bago muling lumipad patungong China upang lumahok sa 2023 Heyuan WUS International Basketball Tournament, kung saan tumapos sila na may 3-1 makaraang talunin ng dalawang beses ang Iran at isang beses ang Senegal.
Kapwa hindi naglaro sina naturalized Jordan Clarkson at big man Kai Sotto sa torneo, subalit sinamahan ang Gilas Pilipinas nang makasagupa ang tatlong iba pang World Cup-bound nations sa friendlies nitong weekend.
Pinataob ng mga Pinoy ang Ivory Coast bago natalo ng dalawang sunod laban sa Montenegro at Mexico.
Ang Dominican Republic ay pinangungunahan ni NBA star Karl-Anthony Towns ng Minnesota Timberwolves, kasama sina Victor Liz, Lester Quiñones, at Eloy Vargas. Target nilang mahigitan ang 16th place finish sa naunang edisyon ng World Cup.
Ang Gilas Pilipinas at Dominican Republic ay nasa Group A kasama ang Italy at Angola.