GILAS UMAKYAT SA NO. 38 SA FIBA WORLD RANKINGS

UMANGAT ang Gilas Pilipinas sa 38th place mula 40th place sa latest world rankings na inilabas ng FIBA noong Biyernes.

Ang Gilas ay tumapos sa 24th mula sa 32 koponan na sumabak sa 2023 FIBA World Cup.

Tinapos ng Pilipinas ang World Cup stint nito sa 21 puntos na pagbasura sa China.

Nanatili ang Australia bilang highest ranked nation sa Asia and Oceania region sa fourth place.

Umakyat naman ang Japan, nakakuha ng outright berth sa Paris Olympics sa susunod na taon makaraang maging highest ranked sa Asian countries sa World Cup na may tatlong panalo, ng 11 puwesto sa 26th place.

Ang South Sudan ay may pinakamalaking improvement, umangat ng 32 spots sa 31st place. Nagkuwalipika ito sa Paris Olympics makaraang maging best African country sa World Cup.

Nabawi ng USA ang top spot sa kabila na nabigong maiuwi ang World Cup title.

Nahulog ang Spain sa second makaraang masibak sa group stage.

Umakyat ang Germany, ang bagong World Cup champion, sa third place na may impresibong eightplace leap.

Sa kabila ng pagangat sa world rankings, ang Gilas ay bumagsak sa No. 8 sa Asia-Pacific region, habang ang Lebanon ay umangat ng 16 places mula 44th overall sa 28th, naungusan din ang China at Jordan sa fifth sa rehiyon.

Bagama’t nahulog sa ilalim ng FIBA World Cup standings, ang Jordan ay umangat ng isang puwesto sa 32nd overall, habang bumagsak ang China ng isang puwesto sa 29th.