GILAS UMULIT SA IVORY COAST

Gilas vs Ivory Coast

MATIKAS na tinapos ng Gilas Pilipinas ang kanilang Spanish trip makaraang muling pataubin ang Ivory Coast, 73-63, kahapon ng ­umaga sa Torneo de Malaga.

Isang araw makaraang kapusin sa Congo, bumawi ang Nationals sa pamamagitan ng panalo laban sa isang World Cup team upang tapusin ang kanilang Spain training camp na may 3-1 record.

Muling nagbida si Robert Bolick para sa Gilas sa kinamadang team-high 19 points, kabilang ang 10 sa first half nang makipagsanib-puwersa siya kay 6-foot-11 Andray Blatche upang masiguro ang panalo ng nine-man Filipino crew.

Tumapos si Blatche na may 18 points, 18 rebounds, 4 assists, at 3 steals.

Naunang winalis ng mga Pinoy ang kanilang tune-up matches kontra  Congo (102-80) at Ivory Coast (94-83) sa Guadalajara, at target na ma-kasagupa ang Spain sa four-country pocket tournament sa lungsod ng Malaga.

Sa kasawiang-palad ay nabigo ang Gilas sa Congo, 82-71, na naglagay sa kanila sa consolation game laban sa Ivory Coast sa pagtatapos ng two-day mini-tournament.

Walang inaksayang oras ang Nationals kontra Ivory Coast kung saan sinindihan nina Bolick at Blatche ang 12-5 run bago ang halftime break upang bigyan ang Gilas ng 36-25 kalamangan.

Naitala ng mga Pinoy ang pinakamalaking bentahe sa 50-38, may tatlong minuto ang nalalabi sa third quarter.

Nagdagdag sina Japeth Aguilar at Paul Lee ng tig-9 na puntos para sa Gilas, na muling sumalang na may nine-man rotation lamang dahil patuloy na nagpapagaling si Gabe Norwood mula sa mild groin strain na kanyang natamo sa unang laro laban sa Congo.

Inaasahang uuwi ang Gilas Pilipinas delegation sa Martes.

Comments are closed.