GILAS VS ADELAIDE 36ERS

gilas vs adelaide

MAHIGIT isang taon matapos ang rambulan sa pagitan ng Gilas Pilipinas at ng  Australian national basketball team, sisikapin ng dalawang bansa na maibalik ang magandang samahan sa paglalaro ng da­lawang tune-up games sa Manila.

“The Philippine national team won’t play against the Australia Boomers, but they got ‘the next best thing’,” ayon kay Gilas coach Yeng Guiao.

Makakaharap ng Gilas ang Adelaide 36ers sa pares ng ‘goodwill games’ sa Agosto 23 at Agosto 25, na bahagi pa rin ng paghahanda ng koponan sa 2019 FIBA Basketball World Cup.

“We anticipate good games against the ­Adelaide 36ers,” wika ni Guiao sa isang press conference sa Meralco Multi-Purpose Hall kahapon.

“Actually, I suggested that we play the Australian team weeks before, but our schedules could not match. So the SBP (Samahang Basketbol ng Pilipinas) did the next best thing, which is to invite the Adelaide 36ers,” dagdag pa niya.

Ang Australian national team at Gilas ay nasangkot sa kaguluhan sa FIBA World Cup Asian qualifier noong Hulyo 2, 2018 sa Philippine Arena, na nagresulta sa pagpapatalsik sa 9 Filipino players at 4 Australians.

Nagwagi ang Boomers, 89-53, makaraang iti­gil ang laban, may 1:57 ang nalalabi sa third quarter.

Sa insidente ay 10 Filipino players at 3 Australians ang sinuspinde. Si  Calvin Abueva ang nagtamo ng pinakamabigat na parusa kung saan sinuspinde siya ng anim na laro. Pinagmulta naman kapwa ang Samahang Basketbol sa Pilipinas (SBP) at  Basketball Australia.

Isinaisantabi ng dalawang koponan ang insidente at nagkuwalipika sa FIBA World Cup, at ngayon ay nais ng SBP na buhayin ang pakiki­pagkaibigan sa Basketball Australia sa pamamagitan ng tune-up games.

“This is something that I thought would be good for Philippine basketball,” ani Guiao. “We wanted to erase the memories of the past and replace them with good memories and, at the same time, renew our friendship and goodwill with Australia basketball.”

Gayundin ay naniniwala si Guiao na makatutulong sa paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa World Cup ang maki­paglaro sa isang koponan na tulad ng 36ers.