UMAASA ang basketball fans na sasandal ang Gilas Pilipinas sa hometown advantage sa pagsagupa sa mapanganib na Saudi Arabia sa fourth window ng FIBA World Cup Asia qualifiers ngayon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gayunman ay hindi pa tiyak kung isasalang ni Chot Reyes ang parehong 12-man lineup laban sa Saudi Arabia o may ipapasok na iba para masiguro ang panalo sa pagkakataong ito.
Ang nationals ay galing sa heartbreaking 85-81 loss kontra mas matatangkad na Lebanon Cedars squad sa kanilang home turf sa Beirut, Lebanon noong Biyernes, Agosto 26.
May average na 22 points kada laro, sina NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz at 7-foot-3 Kai Sotto ay kumayod nang husto para sa nationals ngunit kinapos laban sa Lebanon.
Sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio na nakadepende ang lahat sa magiging desisyon ng Gilas coaching staff kung may babaguhin sila sa lineup sa pag-host ng bansa sa Saudis para sa huli sa two-game schedule ng nationals para sa August window.
“Chot might keep the same 12. But I (really) don’t know. It’s the coaches’ call on Monday,” sabi ni Panlilio.
Ayon sa SBP, ang mga player na naglaro para sa national team sa laro kontra Lebanon ay maaaring palitan ng mga nasa 24-man training pool.
“They can get from the 24 kung gugustuhin ng coaching staff,” wika ni SBP executive director ar spokesperson Sonny Barrios.
Bukod kina Clarkson at Sotto, nasa roster din na lumaban sa Lebanon sina Japeth Aguilar, Chris Newsome, Scottie Thompson, Thirdy Ravena, Kiefer Ravena, Bobby Ray Parks, Dwight Ramos, Carl Tamayo, Jamie Malonzo at Calvin Oftana.