GILAS WALA PANG FINAL 12

MAY tatlong linggo na lamang ang nalalabi bago simulan ang kanilang title-retention drive sa Hanoi Southeast Asian Games, ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay hindi pa nagsusumite ng final list ng players na magsasakatuparan sa mahalagang misyon ng Gilas.

“We requested if we can push the deadline a little,” pahayag ni SBP deputy executive director Butch Antonio sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes.

Sinabi ni Antonio na nasa SBP na ang 16 na pangalan, sa pangunguna ni six-time PBA MVP June Mar Fajardo, subalit hindi  pa napipili ang final 12 na lagpas na sa March 12 deadline para sa pagsusumite sa Philippine Olympic Committee (POC).

“We just want to make sure of the final lineup,” anang SBP official, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagwawagi ng gold at kasabay nito ay inamin ang pressure na nasa kanilang mga balikat.

“This is not a walk in the park. If you are the defending champion, may malaki kang bullseye. But the expectation is (to win) nothing but the gold. Hindi puwedeng matalo eh,” aniya.

Pangungunahan ni multi-titled PBA coach Chot Reyes ang kampanya ng Gilas na kinabibilangan din ng pagpapanatili sa SEA Games crowns sa women’s 5×5 at pareho sa men’s at women’s 3×3.

Ayon kay Antonio, todo ensayo ang 5×5 team, gayundin ang women’s team sa ilalim ni coach Pat Aquino. Puspusan din ang paghahanda ng 3×3 squads para sa title drive.

“We (as a team) talked about it one time and reiterated that there’s no other route and no other way except gold. Must ‘yan,” sabi ni Antonio sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Unilever, Amelie Hotel Manila, at ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR).

Bukod kay Fajardo, nasa 16-man list din sina fellow PBA players Poy Erram, Kib Montalbo, Japeth Aguilar, Isaac Go, Troy Rosario, Roger Pogoy, Matthew Wright, Kevin Alas, Robert Bolick at Mo Tautuaa bilang naturalized player, Japan B. League players Thirdy Ravena, Dwight Ramos at William Navarro, at young guns Caelum Harris at LeBron Lopez.

Humihingi pa ng kaunting oras ang SBP sa pamumuno ni Al Panlilio dahil nais nitong masiguro kung ganap nang gumaling si 6-foot-9 Aguilar mula sa calf injury, at kung yaong mga manggagaling sa Japan ay may sapat na panahon para makasunod sa sistema.

Ani Antonio, sa halip na isugal ang Ginebra slotman sa SEA Games, mas gusto ng SBP na maging malusog si Japeth para sa mas malaking laban tulad ng (2023) World Cup.

“Kaya iniurong natin ang submission (final 12) kung kaya pa. We want to make sure. The Japan boys, we’re still waiting for them because their last game there is on May 8,” ani Antonio.

“The Gilas squad intends to leave for Hanoi on May 13 or three days before the start of the basketball competitions (May 16 to 22). We have to submit the 12 names before we leave,” dagdag pa niya.

Subalit para makasiguro ay nag-book na ang SBP para sa lahat ng16 players patungong Hanoi.