NAGKASYA ang Pilipinas sa sixth-place finish sa FIBA Women’s Asia Cup kasunod ng 71-80 pagkatalo sa South Korea kahapon sa Sydney Olympic Park Sports Centre sa Australia.
Masaya si coach Pat Aquino sa ranking, ang pinakamatikas ng bansa sa continental tournament magmula nang sumabak sa Division A noong 2015.
“Again we fell short but I’m still proud of the girls. They never gave up. I think the gaps are closing for us. And I hope we continue doing this in the future,” sabi ni Aquino. “When we go back, it’s a great energy for us in preparing for the next one.”
Ang highlight ng Gilas Women sa torneo ay ang stunning victory kontra Chinese Taipei sa group stage na nagpanatili sa Pilipinas sa Division A.
Kontra world No. 29 New Zealand, ang Gilas Women ay matikas na nakihamok bago nalasap ang 78-83 decision sa play-in game para sa isang puwesto sa semifinals noong Biyernes.
Ang Pilipinas ay nakipagsabayan sa New Zealand bago bumigay sa payoff period, nabigo sa kanilang kampanya na makopo ang outright spot sa 2024 Paris Olympics qualifiers.
Naghabol ng hanggang 19 points sa third quarter, ang Gilas Women ay humabol upang makadikit.
Tangan ng Koreans ang 66-55 bentahe nang gumawa ng run ang Gilas Women sa simula ng payoff period at nagbanta sa 68-71 sa drive ni Afril Bernardino, may apat na minuto ang nalalabi.
Subalit inapula ng South Korea ang mainit na paghahabol ng Pilipinas, kung saan isinalpak ni Leeseul Kang ang isang triple.
Nagbuhos si Bernardino ng 16 points, 9 rebounds, 3 assists, at 3 steals, nagtala si Jack Danielle Animam ng 12 points at 8 boards, habang kumubra rin si Khate Castillo ng 12 points sa reserve role para sa Pilipinas.
Tumapos si Park Jihyun na may 24 points para sa South Korea habang nagdagdag si Park Jisu ng 11 points at 16 rebounds. Kumabig sina Kim Danbi at Shin Jihyun ng 14 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Iskor:
South Korea (80) – Park JH 24, Kim 14, Park JS 11, Shin 11, Lee S 9, Kang 6, Jin 2, Yang 2, An 1, Lee K 0.
Philippines (71) – Bernardino 16, Animam 12, Castillo 12, Joson 9, De Jesus 5, Pontejos 5, Cabinbin 4, Fajardo 3, Clarin 3, Surada 2, Ozar 0.
Quarterscores: 18-19, 44-34, 66-55, 80-71